GILAS WOMEN ‘NO MATCH’ SA AUSTRALIA

NALASAP ng Gilas Pilipinas Women ang back-to-back losses sa 2021 FIBA Women’s Asia Cup makaraang tambakan ng world No. 3 Australia, 120-56, nitong Miyerkoles sa Amman, Jordan.

Ito na ang ikalawang sunod na pagkatalo ng mga Pinay kasunod ng 143-52 pagyuko sa world No. 7 China noong Lunes.

Sinimulan ng Australia ang laro sa mainit na 16-2 run, bago tumulong si Camille Clarin na sindihan ang counter-attack ng Gilas sa pagkamada ng limang puntos sa opening period. Isa rin siya sa apat na Pinay na nagpakawala ng tres sa  first quarter kung saan sinikap nilang manatiling nakadikit sa 32-20.

Gayunman ay nanahimik ang koponan sa second quarter kung saan nagsalpak si Australia’s Lauren Nicholson ng 10 points, kabilang ang tatlong baskets sa three-point area, na bahagi ng 15-0 blast upang simulan ang period. Sa pagtatapos ng half ay lumobo ang kalamangan ng koponan sa 31 points, 64-33.

Apat na Gilas players lamang ang nakaiskor sa kanilang 13-point second quarter kung saan nakalikom si veteran Afril Bernardino ng 4 points habang gumawa sina Khate Castillo, Kristine Cayabyab, at Ria Nabalan ng tig-iisang tres.

Nagtuwang sina Cayabyab at veteran Janine Pontejos para sa 10 points sa payoff period subalit hindi ito sapat para madaig ang Australians, na tinalo rin sila sa 2019 FIBA Women’s Asia Cup, 123-57.

Nanguna si Pontejos na may team-high 13 points para sa Pilipinas, na ranked No. 51. Tumapos si Cayabyab na may 10 points habang nagposte si Bernardino ng 8 points.

Sa pagkatalo ay nalagay ang Pilipinas sa alanganing posisyon kung saan kailangan nitong malusutan ang Chinese-Taipei sa Huwebes para mapalakas ang kanilang tsansang makausad.

Iskor:

Australia (120) – Nicholson 21, Froling 18, Garbin 12, Sharp 12, Scherf 12, Shelley 10, Melbourne 9, Whitcomb 8, Mangakahia 7, Aokuso 4, Wehrung 4, Wallace 3.

Philippines (56) – Pontejos 13, Cayabyab 10, Bernardino 8, Nabalan 8, Castillo 6, Clarin 6, Castro 3,Cabinbin 2, Fajardo 0, Prado 0, Tongco 0.

QS: 32-20, 64-33, 91-46, 120-56.

One thought on “GILAS WOMEN ‘NO MATCH’ SA AUSTRALIA”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *