MATIKAS na tinapos ng Gilas Pilipinas Women ang kanilang kampanya sa 2021 FIBA Women’s Asia Cup makaraang maitarak ang 74-70 panalo kontra India sa classification match Biyernes ng umaga sa Amman, Jordan.
Sa panalo ay napanatili ng Pilipinas ang puwesto sa Division A at nakaiwas na malagay sa Division B ng continental tournament.
Tumapos sina Janine Pontejos at Khate Castillo na may tig- 22 points subalit ang all-around performance ni veteran Afril Bernardino ang naging krusyal kung saan kumamada ito ng 9 points, 11 rebounds, 7 assists, at 4 blocks.
Naharap ang Pilipinas sa 34-39 deficit sa halftime, subalit binaligtad ng mga Pinay ang pangyayari sa second half.
Umiskor ang Gilas Women ng 21 points sa third quarter, 12 ay mula sa 3-point area, at nalimitahan ang Indians sa 13 markers upang kunin ang 55-52 kalamangan papasok sa final frame.
Sumagot ang India ng 9-0 run upang tapyasin ang bentahe ng Gilas sa isang possession lamang, 67-65, subalit bumawi ang mga Pinay at bumanat ng sarili nilang 7-2 run para sa 74-67 lead.
Sa pagkatalo ay mahuhulog ang Indians sa Division B.
Iskor:
Philippines (74) – Castillo 22, Pontejos 22, Bernardino 9, Clarin 8, Castro 4, Cabinbin 3, Nabalan 3, Tongco 3, Cayabyab 0, Fajardo 0, Prado 0.
India (70) – Kumar P. 15, Kumar 12, Kumari 10, Limaye 10, Masilamani 9, Arvind 7, Nixon 7, Rani 0, Yadav 0.