GIN KINGS SASALANG NA

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – NorthPort vs Phoenix

7:30 p.m. – Ginebra vs Rain or Shine

MULA sa 3-0 semis sweep ng eventual champion San Miguel Beer noong nakaraang conference, ang Barangay Ginebra ay magbabalik sa aksiyon ngayong Biyernes, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa PBA Philippine Cup campaign kontra Rain or Shine sa Smart Araneta Coliseum.

Nakatakda ang laro sa alas-7:30 ng gabi, na simula ng redemption tour para sa Gin Kings kasunod ng pagwalis sa kanila ng Beermen.

Hangad ng Kings ang mainit na simula sa conference laban sa Rain or Shine side na may dalawang sunod na talo.

Ang E-Painters ay may solid stand laban sa TNT at Meralco subalit kinapos sa huli.

Ang tropa ni coach Yeng Guiao ay naungusan ng Tropang Giga, 108-107, pagkatalos ay nalasap ang 121-117 loss sa extra time sa Bolts.

Ang naturang mga pagkatalo ay nagpatibay sa paniniwala ni Guiao na kaya nilang makipagsabayan sa pinakamahuhusay na koponan.

At may tsansa sila na ipakita ito ulit laban sa koponan ni coach Tim Cone na pinangungunahan nina Scottie Thompson, Christian Standhardinger, Japeth Aguilar at Jamie Malonzo.

Ang E-Painters ay hindi lamang umaasa na maging kumpetitibo kundi pati ang makuha ang unang panalo.

At maaaring maging mahigpit ang laban.

Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay target ng NorthPort ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Phoenix Super LPG.    

CLYDE MARIANO