GIN KINGS TUMABLA SA BOLTS

DALAWANG kamay na dumakdak si Japeth Aguilar ng Barangay ­Ginebra laban sa Meralco sa Game 4 ng kanilang PBA Philippine Cup semifinals duel kahapon sa MOA Arena. Kuha ni RUDY ESPERAS

SUMANDAL ang Barangay Ginebra sa malakas na simula upang tambakan ang Meralco sa Game 4, 90-71, at itabla ang kanilang PBA Philippine Cup semis series sa 2-2  nitong Biyernes sa  Mall of Asia Arena.

Nagpakawala ang Ginebra ng  31 points laban sa 15 ng Meralco sa first quarter bago lumayo at tapusin ang first half na may 47-32 bentahe.

Tinapyas ng Meralco ang deficit sa 10 sa kaagahan ng third period subalit nabawi ng Ginebra ang momentum at lumamang ng 27 points, 87-60, may 6:39 ang nalalabi sa fourth quarter bago kinuha ang panalo.

“As bad as we played last game, we played that good this game. I just felt the energy was so much better,” wika ni Barangay Ginebra head coach Tim Cone matapos bumawi mula sa 87-80 loss sa Game 3.

Nagbuhos si Japeth Aguilar ng  21 points at 6 rebounds, habang nagtala si Christian Standhardinger ng 15 points, 11 rebounds, at 8 assists. Gumawa rin si Scottie Thompson ng  15 points, habang nagdagdag si Stanley Pringle ng 14 points para sa Barangay Ginebra. Nag-ambag si LA Tenorio ng 7 points, 6 assists, at 4 rebounds.

Umiskor sina Chris Banchero at  Allein Maliksi ng tig-14 points para sa  Bolts.

CLYDE MARIANO

Iskor:

Ginebra (90) – J.Aguilar 21, Thompson 15, Standhardinger 15, Pringle 14, Ahanmisi 7, Tenorio 7, Pinto 4, Cu 3, Gumaru 3, Murrell 1, Pessumal 0R. Aguilar 0, David 0.

Meralco (71) – Banchero 14, Maliksi 14, Newsome 10, Caram 8, Hodge 6, Mendoza 5, Torres 4, Quinto 3, Bates 3, Almazan 2, Pascual 2, Jose 0, Rios 0, Dario 0, Pasaol 0.

QS: 31-15, 47-32, 73-49, 90-71.