UPANG matiyak na walang spill over ng Jolo twin blasts sa Metro Manila, hinigpitan ng Philipine National Police (PNP) ang seguridad na kung saan ay ginamit na rin ang 3,200 COVID-19 control points bilang anti-terrorist checkpoints.
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield commander Lt.Gen Guillermo Eleazar, maging ang kanilang mga tauhan na naka bantay sa may 3,200 COVID-19 control point ay kanila na rin na-maximized para magsilbing mga anti-terrorist checkpoint.
Ani Eleazar, awtomatikong nakaalerto na ang mahigit 3 libong chekpoint na binabantayan ng mga pulis, militar, Philippine Coast Guard at maging ng Bureau of Fire Protection para magmanman sa mga lumalabas at pumapasok ng Metro Manila para maiwasan na magkakaroon spill over ang nangyaring pagsabog sa Jolo.
Kaugnay nito, inihayag din ng heneral na nagsisilbing instrumento na rin kontra terorismo ang hinihinging travel authority ng National Task Force Against COVID-19 .
Paliwanag pa nito, nakakatulong ang hinihinging travel pass o authority to travel dahil nasasala ang mga taong nais na magbiyahe papasok ng Maynila mula sa mga lalawigan .
Gayundin,pinaigting din ng Armed Forces of the Philippines Joint task Force NCR ang kanilang intelligence monitoring sa mga posibleng pagtatangka ng mga teroristang grupo sa Kalakhang Maynila.
“The Joint Task Force NCR is working hand in hand with NCRPO and always alert on any possible threats in the National Capital Region,” ani Maj. Arrianne Bicharra Fujisawa, AFP-JTNCR chief Information Officer.
Ipinag-utos din ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral George Ursabia Jr. ang pagtatalaga ng K9 teams para ipatupad ang mas mahigpit na security measures sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).
Tugon ito ng PCG sa direktiba ni Transportation Secretary Arthur Tugade na tumulong upang matiyak ang kaligtasan sa public transportation hubs sa Metro Manila, lalo na sa mga istasyon ng tren kung saan libu-libong pasahero ang sumasakay.
Kabilang sa mga ipinakalat ng Coast Guard K9 Teams ay ang K9 handlers, working dogs, veterinarians, at explosive ordnance disposal specialists mula Roosevelt hanggang Baclaran stations. VERLIN RUIZ
Comments are closed.