GINANG BINARIL SA HARAP NG 2 ANAK

PANGASINAN- HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang ina ng tahanan matapos na pagbabarilin sa harap ng dalawa nitong anak ng mga hindi nakilalang suspek sa lalawigang ito.

Batay sa report ng San Carlos City Police Station, ang biktima ay nakilalang si Aurelia de Vera, 46-anyos at residente ng Barangay Bolosan, San Carlos City, Pangasinan.

Sa paunang ulat ng imbestigador, naganap ang naturang pamamaril dakong alas-8 ng gabi sa Barangay Caingal ng nasabing lalawigan.

Pauwi na sa kanilang bahay ang biktima sakay ng tricycle kasama ang mga anak na 17-anyos na babae at 3-taong gulang na lalaki.

Pagdating sa nasabing lugar ay bigla na lamang silang hinarang ng dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo at isa sa mga ito ay bumunot ng baril at pinagbabaril si de Vera na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi mabatid na direksyon.

Dinala naman sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong dead on arrival ng attending physician sanhi ng mga tinamong malulubhang tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan nito.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang alamin ang tunay na motibo ng pamamaslang.

Pinag-aaralan na rin ng pulisya ang CCTV sa lugar sa posibleng nakunan ang mga suspek para sa pagkakakilanlan sa mga ito.
EVELYN GARCIA