GINANG GINILITAN NG KAINUMAN NG KA-LIVE IN

BATAAN- MASAKLAP ang sinapit na kamatayan ng ginang matapos gilitan sa leeg ng na-praning na kainuman ng kanyang ka live-in partner sa Sitio Bayan-bayanan Barangay Bilolo, Orion.

Batay sa ulat ni Orion Municipal Police Station Chief of Police Major Alfred Timbol kay Bataan Police Director Col. Palmer Z. Tria, nakilala ang biktimang si Miracle Reyes, 21 anyos at residente sa nabanggit na lugar.

Habang kalaboso naman ang nadakip na suspek na si Jonathan Salisi alyas “Tantan”, 43-anyos, residente sa nabanggit na lugar.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pasado ala-6 nitong Lunes ng gabi ng maganap ang insidente.

Sa salaysay ni Rodolfo Orias, 53-anyos, live-in partner ng biktima na kainuman daw nito ang suspek kung saan hindi pa umano naubos ang dalawang bote ng serbesa ay nag-ayang magpahatid ito sa bukid para maligo.

Sa pagkakataong iyon, tiyempong dumating ang biktima na sumakay sa traysikel ng kanyang jowa na sumama para ihatid sana ang suspek na katabi mismo nito.

Pero habang tumatakbo ang traysikel, sa hindi nabatid na dahilan ay bigla na lamang umanong naglabas ng patalim ang suspek at nilaslas ang lalamunan ng ginang na ikinamatay nito.

Akmang tutulangan daw sana ni Orias ang ka-live in pero siya naman ang susugurin na para saksaksin na nagawang makatakbo para makahingi ng saklolo.

Mabilis naman nadakip ang suspek na nanlilisik ang mga mata at tila wala umano sa sarili sa tulong ng watchman ng munisipyo at mga rumespondeng pulis.

Nakuha sa crime scene ang ginamit na patalim ng suspek sa pagpatay sa ginang.

Inaalam pa kung may sakit sa pag-iisip ang suspek dahil hindi naman ito lasing na lasing.

Nahaharap na sa kasong pagpatay ang nadakip na suspek.
ROEL TARAYAO