GINANG MINALAS SA SUNOG, BOMBERO SUGATAN

sunog

PATAY ang isang 46-anyos na babae habang sugatan naman ang isang bombero sa naganap na sunog sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) arson investigator FO1 Zoren Cabagay, alas-5:44 ng madaling araw nang madiskubre ang katawan ng biktimang si Alice Simbulan sa nasunog nilang bahay sa 4th Avenue at Nadurata St., Brgy. 49 habang kinilala naman ang nasugatan na bombero na si FO1 Arsis Borja na isinugod sa Caloocan City Medical Center upang magamot ang tinamong sugat.

Sa report ni FO1 Cabagay kay Caloocan Fire Marshal Supt. Stephen Requina, alas-3:30 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa dalawang palapag na bahay na pagmamay-ari ni Emmanuel San Juan at inuupahan ni Asuncion Rubio.

Mabilis na kumalat ang apoy sa kalapit na kabahayan na pawang mga gawa sa light materials na naging dahilan upang itaas ng BFP ang sunog sa ikatlong alarma bago idineklarang fireout bandang alas-5:42 ng mada­ling araw.

Sinabi pa ni FO1 Cabugay na nakalabas na ang biktima sa kanyang nasusunog na bahay subalit, muli umano itong bumalik sa loob.

Nasa 20 kabahayan ang tinupok ng apoy na naging dahilan upang mawalan ng tahanan ang 35 pamilya, habang umaabot naman sa P1.2 milyon halaga ng ari-arian ang naabo, samantalang inaalam pa ng Arson ang tunay na pinagmulan ng insidente. EVELYN GARCIA

Comments are closed.