BATAAN- PATAY ang isang babae nang matabunan ng rumaragasang putik at bato sa paanan ng bundok kasunod ng naganap na landslide sa bahagi ng Sitio Labangan-Hacienda, Barangay Gabon, Abucay sa lalawigang ito.
Ayon sa datos na nakalap ng Disaster Response Management Division ng DSWD FO 3, isang pamilya ang naitalang naapektuhan ng pagguho ng lupa at isa naman ang naitalang nasawi.
Kinilala ng Abucay MDRRMO at ng Bataan PNP ang nasawi na si Roselyn Dela Cruz, 27-anyos at empleyado ng Labangan Resort na sakop ng pinangyarihan ng trahedya.
Batay sa ulat, Sabado ng madaling araw nagsimulang bumuhos ang malakas na pag-ulan na naging sanhi ng pagbaba kasunod ng pagbulusok ng malakas na tubig mula sa kabundukan na naging dahilan ng pagbigay at pagguho ng lupa na tumabon sa kinaroroonan ng biktimang si Dela Cruz.
Ayon sa lokal na pamahalaan, naganap ang paghagupit ng aksidente sa pagitan ng ala-5 at ala-6 ng umaga.
Nakaligtas naman ang tatlong anak ng biktima dahil naisipang makitulog sa bahay ng kanilang lolo at lola na hindi kalayuan sa lugar.
Dalawang sasakyan ang iniulat din na natabunan ng putik galing ng bundok.
Agad na inilatag ng lokal na pamahalaan ang search and rescue operation kasama ang grupo ng PNP, MBDA, Bataan Medic Team at iba pa. VERLIN RUIZ