NAKAHANDA umanong magbigay ng pabuyang P.1milyong pisong ang pamilya ng 52-anyos na ginang na tinaga at kinaladkad palabas ng kanilang bahay ng lalaking kapitbahay na matagal na nilang kaalitan sa Malabon City.
Ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Flordeliza Mamasig ng Block 21, Lot 7, SAPADACA Sitio 6, Brgy. Catmon sanhi ng tinamong sugat sa kanang bahagi ng ulo habang tumakas naman ang suspek na si Efren Claud, 52-anyos.
Sa ulat na isinumite ni SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon police chief Col. Albert Barot, nangyari ang insidente ng pananaga dakong alas-4 ng hapon noong bisperas ng Bagong Taon sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Bigla umanong pinasok ng suspek ang bahay ng pamilya Mamasig bitbit ang isang jungle bolo at kaagad na tinaga ang ginang na tumama sa kanang bahagi ng ulo.
Kinaladkad palabas ng lalaki ang ginang at muli sanang tatagain subalit nasalag ito ng biktima hanggang sa umawat na ang mga nakasaksi nilang kapitbahay.
Nang magresponde ang mga tauhan ng Malabon police station, nakatakas na ang suspek habang nakuha naman ng mga pulis ang ginamit niyang jungle bolo.
Sa imbestigasyon, may matagal na umanong alitan ang suspek at ang biktima bagaman hindi naman binanggit ng kanilang pamilya kung ano ang pinagmulan ng alitan. EVELYN GARCIA