GINANG TODAS SA NABILING RADYO ONLINE

CATANDUANES- HINDI akalain ng isang ginang na matatapos ang buhay niya sa nabili nitong radyo sa online matapos na makuryente sa Virac sa lalawigang ito.

Nabatid sa report, ang biktima na binawian ng buhay ay nakilalang si Jenny Quintal, residente ng Barangay Valencia, Virac, Catanduanes.

Napag-alaman na pati ang asawa ng biktima na nakilalang si Rico Valencia ay nakuryente rin matapos na tangkaing iligtas ang kanyang asawa.

Sa salaysay ng mister ng biktima, kasalukuyang nakikinig ng radyo ang kanyang asawa na nakapatong sa kandungan nito habang hawak ang antena nang biglang makoryente ang kanyang asawa.

Samantala, nakahanda ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Catanduanes na tulungan ang pamilya Quintal kung nais nilang sampahan ng reklamo ang online seller ng radyo.

Nagpaalala rin si DTI Provincial Director Maria Belma Escueta.sa publiko na maging maingat sa mga binibiling produkto mula sa online. EVELYN GARCIA