LAGUNA- ISANG 65 anyos na babaeng negosyante ang hinoldap, binaril at napatay ng dalawang suspek habang sakay ng tricycle kamakalawa ng gabi sa Barangay Mendiola, Siniloan sa lalawigang ito.
Sa report na tinanggap ni Col. Gauvin Yamashita Unos, Laguna PNP director, nakilala ang biktima na si Lydia Susondocillo, may- asawa at residente ng nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, galing umano ang biktima sa tindahan nito sa palengke sakay ng tricycle na minamaneho ng pamangkin na si Jay R Susondocillo nang harangin ng isang motorsiklo sakay ang dalawang armadong kalalakihan.
Agad umanong bumaba ng motor ang mga suspek at mabilis na tinutukan ng baril ang biktima at pilit inaagaw ang dalang bag na naglalaman ng mahigit sa P300,000.
Nang ayaw umanong ibigay ng negosyante ang bag nito, dito na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima at pamangkin nito bago tumakas sakay ng motorsiklo patungong direksiyon ng Sta. Maria, Laguna.
Mabilis naman naisugod ng mga nagdaraan motorista ang mga biktima sa General Cailles hospital sa Pakil, Laguna subalit dead on arrival ang ginang samantalang sugatan naman ang pamangkin nito.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang naturang pangyayari.
ARMAN CAMBE