GINATAANG HALO-HALO

(ni CT SARIGUMBA)

PAGKAIN ang isa sa nakapagpapaligaya sa atin. Sa mga panahong nalulungkot tayo at mag-isa, pagkain ang tinatakbuhan natin. Hindi naman masamang pagkain ang maging takbuhan natin sa panahong mabigat ang ating loob at dibdib. Kasi kapag nakasanayan nating gawin ito, magkakaroon tayo ng panibagong problema: ang pagtaba o pagdagdag ng timbang. Panibagong alalahanin na naman hindi ba?

Sabihin mang napakahilig nating kumain, mahalaga pa rin ang pagkain ng tama nang ma­panatili nating malakas at malusog ang kabuuan. Kapag nga naman sobra at hindi tayo maingat sa ating kinakain, kakambal nito ang pagkakaroon ng iba’t ibang sakit.

Pagkain din ang nakapagbibigay lakas sa atin sa mga panahong malamig at tinatamad tayong gumalaw-galaw o magtrabaho.

Pero kahit pa yakapin tayo ng katamaran, hindi tayo dapat na nagpapaubaya. Kumbaga, kailangan nating manlaban upang ma-gawa natin ang nakaatang na mga gawain. Kailangang gumawa tayo ng paraan upang lubayan tayo ng nadarama nating katamaran.

Isa ang pagkain sa maaari nating kahiligan upang lumakas tayo at maengganyong magtrabaho. Maraming superfood ang puwede nating kahiligan sa mga panahong tinatamad-tamad tayo gaya na lang ng dark chocolate, avocado, eggs, fish, oranges at tea. Nariyan din ang kape na karamay natin sa mga panahong inaantok-antok ang ating diwa. Nakapagpapagising nga naman ng kalam-nan at isipan ang iba’t ibang pagkain at ­inumin gaya ng chocolate, kape at tea.

At dahil hindi puwedeng mawala ang pagkain sa kahit na anong panahon, isa sa mainam subukan ang Ginataang Halo-Halo. Mahilig nga naman tayo sa merienda kaya’t akma ito sa kahit na anong panahon at pagkakataon.

Paniguradong mara­mi tayong mabibilhan nito. Gayunpaman, kaysa mas mapasarap ang gagawing Ginataang Halo-Halo, puwedeng-puwede mo itong lutuin sa bahay. Masarap kasi itong pagsaluhan kapag bagong luto at umuusok pa.

Ang kagandahan din ng recipe na ito ay puwede kang magdagdag o magbawas ng sangkap. Kumbaga, depende sa budget mo at sa kung ano ang mga gusto ninyong kainin.

Sa mga nag-aasam na lutuin ito sa bahay, ang mga sangkap na kakaila­nganin natin ay ang kamote, purple yam o ube, saging na saba, langka, tapioca pearls, bilo-bilo, white sugar, tubig at gata o coconut milk.

PARAAN NG PAG­LULUTO

Ihanda na ang mga kakailanganing sangkap. Hugasan ang kamote at purple yam o ube saka balatan at hiwain sa nais na laki. Balatan na rin ang saging at hiwain. Lagyan naman ng kaunting tubig ang kinayod na niyog saka pigain.

Pagkatapos ay magpakulo ng tubig sa katamtamang laking lalagyan o sa lutuang magkakasya ang mga sangkap sa lulutuing Ginataang Halo-Halo.

Pagkatapos ay ibuhos na ang gata o coconut milk. Huwag uubusin ang gata. Magtira ng kaunti.  Hayaang kumulo.

Pagkakulo ng gata, isama na ang kamote at ube o ang mga sangkap na matigas at matagal lutuin. Pakuluin ulit.

Isama na rin ang tapioca pearls, saging na saba, bilo-bilo, asukal at ang natirang gata.

Pakuluin. Kapag luto na ang lahat ng sangkap, ihanda na sa buong pamilya at pagsaluhan.

TIPS: Mas masarap ang Ginataang Halo-Halo kung fresh gata ang gagamitin. Sa mga grocery o kahit na sa palengke ay mayroong mabibili nito.

Gayundin ang bilo-bilo, hindi ka na rin mahihirapan sa paggawa nito dahil maraming nabibilhan.

Masarap nga namang kumain nang kumain. Mas madali rin tayong magutom kapag malamig ang panahon. Kaya naman, para mabuhayan ang loob, magluto ng iba’t ibang putaheng nakapagdudulot ng ligaya sa ating kabuuan. At isa na nga riyan ang Gina-taang Halo-Halo.

Kaya ano pang hinihintay ninyo, subukan na at magluto nang may maihanda sa buong pamilya. (photos mula sa angsarap.net, filipinofoodstore.com, vozzog.com)

Happy cooking!

Comments are closed.