GINEBRA ANGAT SA 2-1

Mga laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)
5 p.m. – TNT vs Rain or Shine
7:30 p.m. – San Miguel vs Ginebra

DASMARINAS, Cavite – Sumandal ang Barangay Ginebra sa late-game scoring nina Justine Brownlee at Stephen Holt at sa matapang na plays ni Scottie Thompson upang pataubin ang San Miguel, 99-94, at mabawi ang liderato sa PBA Governors’ Cup semifinals series kagabi sa Dasmarinas City Arena.

Naitala nina Brownlee at Holt ang anim sa huling walong puntos ng Kings habang nakuha ni Thompson ang timely rebounds sa stretch run upang kunin ang Game 3 at ang 2-1 lead sa best-of-seven playoff.

Tumapos si 36-year-old Brownlee na may 30 points para sa Ginebra, kabilang ang basket na nagbigay sa koponan ng 97-90 kalamangan. Ang Gilas Pilipinas naturalized player ay nagtala rin ng 9 rebounds, 5 assists, at 5 shotblocks sa isa pang standout performance.

Isang 10-0 run sa pagitan ng third at fourth quarters ang naglagay sa Ginebra sa kontrol, 81-72, kung saan sinimulan ni Brownlee ang scoring spree sa pagbigay ng assist sa triple ni Maverick Ahanmisi at tinapos ito sa kanyang sariling layup.

Gayunman, para kay head coach Tim Cone, ang susi sa panalo ay ang kanilang depensa.

“We defended so much better tonight, we played playoff defense tonight,” aniya. “That’s the story. We just played better defense tonight, I felt.”

Nagbuhos si San Miguel import Eji Anosike ng 32 points, habang gumawa si CJ Perez ng 13 points sa 13 shots.

Nalimitahan ng depensa ng Ginebra si June Mar Fajardo sa 12 points lamang bagama’t kumalawit siya ng 14 rebounds.

Nakatakda ang Game 4 sa Miyerkoles sa Araneta Coliseum.
CLYDE MARIANO

Iskor:
GINEBRA (99) – Brownlee 30, J.Aguilar 22, Ahanmisi 15, Holt 11, Abarrientos 8, Thompson 8, Cu 5, Adamos 0, Devance 0

SAN MIGUEL (94) – Anosike 32, Perez 13, Fajardo 12, Lassiter 12, Cruz 9, Romeo 8, Trollano 3, Ross 3, Tauatuaa 2, Rosales 0

QUARTERS: 25-20, 54-45, 76-72, 99-94