DALAWANG panalo na lang ang kailangan ng Barangay Ginebra para masungkit ang titulo sa PBA Philippine Cup makaraang maungusan ang TnT, 92-90, sa Game 2 kagabi.
Itinanghal si Aljon Mariano bilang ‘best player of the game’ matapos na kumamada ng 20 points at 9 rebounds at binalewala ang 34 points output ni Roger Pogoy.
“Ginawa ko ang lahat para makatulong sa team. Salamat hindi ako nabigo,” sabi ni Mariano na binigyan ng mahabang playing time ni coach Tim Cone.
Tumabo si Stanley Pringle ng 37 points subalit napunta ang karangalan sa unang pagkakataon kay Mariano.
Si LA Tenorio ang nagpanalo sa Barangay Ginebra sa pag-iskor ng apat na free throws at kinuha ni Scottie Thompson ang defensive rebound sa sablay na tres ni Jayson Castro.
Masaklap ang pagkatalo ng TnT na dinomina ang laro at bumigay sa huli tulad ng nangyari sa kanila sa Game 1 sa lungkot ni coach Bong Ravena.
Lumamang ang Tropang Giga ng double digit sa second period at kumulapso sa huli upang maitakas ng Gin Kings ang panalo.
Ang sharp-shooter na si Pogoy ang nagbigay sa Tropang Giga ng 15 puntos na kalamangan, 54-39, sa pag-iskor ng pitong sunod na puntos, kasama ang three-point play sa 14-3 barrage sa pakikipag-alyansa kina Simon Enciso at Troy Rosario.
Humabol ang Barangay Ginebra at tumabla sa 68-68 subalit sinagot ito ni Pogoy para sa 70-68 third quarter lead ng TnT. CLYDE MARIANO
Comments are closed.