PATOK sa takilya ang PBA Governors’ Cup finals.
Ang Game 3 sa pagitan ng defending champion Barangay Ginebra at ng Meralco ay humakot ng 16,104 crowd sa Mall of Asia Arena, ang pinakamalaking turnout sa best-of-seven title series sa kasalukuyan.
Ang numero ang pinakamalaking gate attendance para sa liga sa panahong ito ng pandemya o buhat nang ibalik nito ang fans sa venue nang ipagpatuloy ng liga ang season-ending meet noong nakaraang Pebrero.
Sa kasalukuyan, ang finals ay may average na 13,603 crowd.
Ang Game 3 crowd ang pinakamarami para sa liga sa MOA magmula nang humakot ng 20,490 sa Game 6 ng San Miguel-Barangay Ginebra Commissioner’s Cup finals noong 2018.
Ito rin ang pinakamalaki sa huling tatlong taon makaraang dumagsa ang 23,711 sa Philippine Arena sa pagbubukas ng 2019 season na tinampukan ng Leo Awards at ng nag-iisang laro sa pagitan ng Barangay Ginebra at TNT bilang kick-off sa Philippine Cup.
Ang Game 4 ng series ay lilipat sa Smart Araneta Coliseum sa Miyerkoles.
Ang Game 1 sa Big Dome ay nagtala ng attendance na 12,457.
Sa gitna ng pagdagsa ng crowd, patuloy na pinaaalalahanan ng league officials ang publiko na laging sumunod sa health and safety protocols. CLYDE MARIANO