GINEBRA O SMB?

on the spot- pilipino mirror

IDINAOS kahapon ang press conference para sa title showdown ng Ginebra at San Miguel Beer sa Sambokojin Restaurant sa  Eastwood. Pawang mga nakapulang polo shirt ang mga player ng dalawang team.

Sabi nga ni SMC Sports Director Alfrancis Chua, wala siyang kakampihan sa dalawang team nila. May the best team win, ika nga.

Ayon naman kay L.A. Tenorio, pipilitin nilang manalo sa kanilang sister team para maiba naman daw.

Ang Beermen at Kings ay kapuwa nais maiuwi ang kampeonato, lalo na ang SMB kung saan ay gustong-gusto nilang maka-grand slam. Sakaling makuha nila ang titulo ng Commissioner’s Cup, isang conference na lang ang kailangan ni coach Leo Austria para maka-grand slam ang SMB

Si June Mar Fajardo naman ay sigurado nang masusungkit ang ika-7 BEST PLAYER OF THE CONFERENCE award. Ang mahigpit na kalaban nitong si Vic Manuel ng Alaska Aces ay nalaglag na ang team kaya malabong makopo nito ang nasabing award.  Bawi na lang si Manuel sa next conference, baka ang huling conference ay tamang panahon para makuha niya ang BPC award.

Samantala, muling magtatagpo ang team nina Fajardo at Greg Slaughter. Matagal nang magkatunggali ang dalawang higante, sa Cebu pa lang sila. Ayon nga kay Fajardo, laging talo ang team nila sa team ni Slaughter kaya babawi siya.  Sabay tawanan nilang dalawa.

Magandang laban ito dahil parehong ayaw magpatalo ang dalawang team lalo na ang kani-kanilang coach.

Present sa presscon sa kampo ng Ginebra sina Scottie Thompson, L.A. Tenorio, Marc Caguioa, Joe De Vance, Slaughter, import Justine Brownlee, at coach Tim Cone, habang sa Beermen ay sina Alex  Cabagnot, Cris Rose, Christian Standhandiger, Fajardo, Arwind Santos, import Reynaldo Balkman, coach Leo Austria, asst. Coach Gie Abadilla, kasama si SMB PBA Gov. Robert Non.



Speaking of ­Ginebra at San Miguel finals duel, ngayon pa lamang ay marami nang nag-aabang sa ticket selling sa Big Dome. Hanggang presstime ay hindi pa alam ang magiging presyo ng tickets. ‘Pag championship kasi ay nagmamahal ang ­presyo ng tickets. Malamang ay tiba-tiba na naman ang mga scalper dahil pasok ang Ginebra sa championship game.

Comments are closed.