Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Converge vs Rain or Shine
6:30 p.m. – TNT vs Phoenix
NAKOPO ng Barangay Ginebra ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals makaraang pataubin ang NLEX, 103-99, sa PBA 48th Season Commissioner’s Cup nitong Sabado sa Ibalong Centrum for Recreation sa Legazpi City, Albay.
Isinalpak ni Tony Bishop ang krusyal na tres, may 1:07 ang nalalabi, na naging tuntungan ng Ginebra upang kunin ang hard-fought win at ang kanilang ika-8 sa pagtatapos ng elimination round. Ang mas mahalaga, inangkin ng Ginebra ang ika-4 at huling twice-to-beat incentive sa the quarterfinal, isang malaking boost sa kanilang title-retention bid sa conference.
Nabigo ang NLEX na mapangalagaan ang 94-91 lead sa fourth quarter upang mahulog sa 4-7 marka sa pagtatapos ng kanilang elimination games.
Bumagsak ang Road Warriors sa ninth place at kailangan ngayong matalo ang TNT kontra Phoenix Super LPG sa Linggo upang manatiling buhay ang kanilang quarterfinal bid at mapuwersa ang playoff para sa No. 8 spot.
Nagtala si Bishop ng 27 points at 13 rebounds, habang nakakolekta sina Christian Standhardinger at Jamie Malonzo ng 18 at 16 points, ayon sa pagkakasunod. Tumipa si Maverick Ahanmisi ng 13 points, kabilang ang isang tres, may 2:16 ang nalalabi sa laro para sa 96-94 kalamangan ng Ginebra.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Ginebra (103) – Bishop 27, Standhardinger 18, Malonzo 16, Ahanmisi 13, Pringle 13, J. Aguilar 6, Thompson 4, Pinto 3, Pessumal 3, Tenorio 0.
NLEX (99) – Williams-Baldwin 27, Valdez 17, Nermal 15, Semerad 14, Anthony 12, Bolick 10, Rodger 4, Miranda 0.
QS: 31-23; 53-54; 77-82; 103-99.