SISIMULAN ng Barangay Ginebra ang kanilang PBA Philippine Cup campaign sa darating na Biyernes kontra Rain or Shine sa Smart Araneta Coliseum.
Ipaparada ng Kings ang parehong lineup na umabot sa semifinals ng katatapos na Commissioner’s Cup kung saan sila winalls ng eventual champion San Miguel Beermen, 3-0.
Ang 7:30 p.m. encounter ang unang laro ni Gilas coach Tim Cone at nina national team members Scottie Thompson, Jamie Malonzo, at Japeth Aguilar kasunod ng two-game sweep ng mga Pinoy sa kanilang opening round campaign sa FIBA Asia Cup qualifiers laban sa Hong Kong at Chinese Taipei.
Mapapalaban ang Ginebra sa Rain or Shine side na hitik sa youth at talent sa katauhan nina Leonard Santillan, Andrei Caracut, Adrian Nocum, Jhonard Clarito, Shaun Ildefonso, Keith Datu, Gian Mamuyac, at iba pa.
Ang Kings ay isa sa huling apat na koponan na huling magde-debut sa season-ending conference.
Sasalang din ang Phoenix Fuel Masters sa kanilang unang laro sa Biyernes laban sa NorthPort Batang Pier.
Sasabak naman ang San Miguel at Magnolia, nagsagupa sa Commissioner’s Cup finals, sa kani-kanilang laro dalawang linggo mula ngayon.
Sisimulan ni seven-time MVP June Mar Fajardo at ng Beermen ang kanilang All-Filipino title defense sa March 15 kontra Rain or Shine, habang uumpisahan ng Hotshots ang kanilang kampanya sa susunod na araw sa pagharap sa Converge FiberXers.