(Ni MALOU AQUINO)
ILANG taon pa lang na naglalaro si Aljon Mariano sa PBA sa koponan ng Barangay Ginebra ay nakapagpatayo na siya agad ng negosyo. Bibihira sa mga player ang nag-iisip na mag-ipon at magtayo agad ng negosyo. Marami sa kanila, kapag nakahawak ng malaking pera, ay nagliliwaliw at sinusunod ang luho ng katawan, dahil ngayon pa lamang sila nakararanas ng marangyang buhay.
Iba itong si Mariano. Wala siyang ibang iniisip kundi ang kanyang kinabukasan dahil alam niya na ang pagiging PBA player ay hindi pangmatagalan o panghabambuhay. Any moment ay maaari itong maglaho kapag nadale ng injury.
Taong 2015 nang ma-draft siya ng Gin Kings. Sa 2nd round siya hinugot ng Ginebra, no. 16 overall pick. Nakakatatlong championship na siya sa Brgy. Ginebra – 2016 Governors’ Cup, 2017 Governors’ Cup ulit at ang huli ay sa Commissioner’s Cup noong 2018.
Nakabibilib ang isang tulad ni Aljon na hindi nainip kahit matagal dumating ang suwerte sa kanyang career sa kampo ng Gin Kings. Matagal-tagal din naman siyang binangko ni coach Tim Cone.
May anim na buwan pa lamang ang POUNDS FOR POUND FITNESS GYM niya sa Baguio City. Ito ay matatagpuan sa Station 120, lower General Luna road. Sa Baguio itinayo ang kanyang negosyo dahil maganda umano ang opportunities doon.
“Saka po kaya sa Baguio, ‘yung partner ko sa business na ito ay taga-roon. Kaya kahit wala ako ay may tumitingin at nagma-manage sa gym namin,” wika ng 27-anyos na si Mariano.
Noong Pebrero 2019 lang nagbukas ang Pound for Pound Fitness gym na may staff, kabilang ang mga coach na nagtuturo sa mga nag-e-enroll sa gym ng tamang programa.
“Ok naman ang income namin kahit ilang buwan pa lang naitayo ang gym namin,” dagdag pa ni Mariano.
Down to earth pa rin ang basketbolista sa kabila ng magandang nangyayari sa kanyang negosyo at career kung saan ganap na siyang star player ng Ginebra.
“Sobrang blessed ako sa lahat ng mayroon ako. Sobrang blessed na nasa Ginebra ako and we won 3 championships already. Sobrang blessed na nakakapag- provide ako sa family ko and nakapagpapasaya kami ng maraming tao,” pagtatapos ni Mariano.
Comments are closed.