Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – Ginebra vs TNT
BUHAY pa ang title-retention bid ng Barangay Ginebra at puntiryang maitabla ang serye sa 2-2 laban sa Talk ‘N Text sa kanilang best-of-five semifinals showdown sa PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Sasagupain ng Gin Kings ang Tropang Texters sa alas-7 ng gabi na determinadong makaulit ng panalo at ipuwersa ang winner-take-all Game 5.
Nanalo ang Barangay Ginebra sa Game 3, 80-72, upang mapigilan ang TNT na walisin ang serye at magmartsa sa finals.
Tangan ang momentum sa panalo sa Game 3, muling paiiralin ng tropa ni Ginebra coach Tim Cone ang ‘never-say-die’ spirit na pinatanyag ni basketball legend at dating Sen. Robert Jaworski noong siya pa ang coach ng koponan.
Inamin ni Cone na malakas at mahirap talunin ang TNT dahil loaded ito ng talento, bukod pa sa mahusay ang kanilang import na si Terrence Jones.
“TNT is strong and tough nut to crack. Our win in Game 3 was very difficult. We struggled all the way before we won the game,” sabi ni Cone.
“Tonight, we have to be prepared physically and mentally. I reminded my players to stay focused and alert and Justine Brownlee put up A-1 performance and defended well against Jones,” wika ng veteran American mentor.
Nakahandang umalalay kay Brownlee sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Jeff Chan at Joe Devance, at ang twin tower nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter ang mamahala sa low post.
Pamumununuan naman ni Jayson Castro ang opensiba ng TNT, kasama sina Roger Pogoy, Troy Rosario, Jay Washington, Brian Heruela, Ryan Reyes, Don Trollano at Anthony Semerad. CLYDE MARIANO