SUMANDAL ang Meralco sa lakas ng kanilang locals upang pataubin ang Magnolia, 94-81, para sa huling PBA Governors’ Cup finals berth sa do-or-die Game 5 nitong Biyernes sa Araneta Coliseum.
Sa gabing nagkumahog si import Tony Bishop, pinangunahan ng locals ng Bolts ang opensiba, sa pamumuno nina Allein Maliksi, Raymond Almazan, at Chris Newsome upang sibakin ang top seed Hotshots sa decider ng best-of-five duel.
Makakaharap ng Meralco ang Barangay Ginebra sa finals sa ika-4 na pagkakataon sa huling limang Governors’ Cup editions at pinigilan ang Magnolia na isaayos ang Manila Clasico finale.
Tumapos si Maliksi na may 24 points sa 9-of-13 shooting, nagpasiklab si Almazan ng perfect game na 18 points sa malinis na 9-of-9 clip na sinamahan ng 5 rebounds, habang kumana si Newsome ng triple-double na 17 points, 12 assists, 8 rebounds, at 3 steals.
“It’s on to Ginebra, again,” wika ni Meralco coach Norman Black makaraang malusutan ang top-seeded Hotshots.
Ang Game 1 ng race-to-four finals ay magsisimula sa Miyerkoles sa Big Dome.
“I’ve never beaten Tim before, maybe this will be the right time to get it done. We’ve been meeting a lot lately and he’s been on the winning end everytime,” ani Black.
Nanguna sina Calvin Abueva (21) at Paul Lee (13) para sa Hotshots kung saan gumawa lamang si Mike Harris ng limang puntos. CLYDE MARIANO
Iskor:
Meralco (94) – Maliksi 24, Almazan 18, Newsome 17, Black 16, Bishop 8, Caram 4, Quinto 4, Hodge 3, Hugnatan 0, Baclao 0, Canete 0, Belo 0.
Magnolia (81) – Abueva 21, Barroca 11, Lee 13, Jalalon 11, Sangalang 10, Dela Rosa 6, Harris 5, Wong 2, Corpuz 1, Reavis 1, Brill 0, Dionisio 0, Escoto 0.
QS: 23-29, 41-46, 62-65, 94-81