NAISAAYOS ng TNT ang title showdown sa defending champion Barangay Ginebra sa PBA Governors’ Cup makaraan ang 107-92 panalo kontra Meralco kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagpasabog si Rondae Hollis-Jefferson ng conference-high 42 points na sinamahan ng 11 rebounds at 2 steals para sa Tropang Giga, na tinapos ang Bolts sa apat na laro sa best-of-five semifinals.
Nahigitan ang kanyang naunang tournament-best na 40 points sa kanilang 99-80 panalo sa Game 3, umiskor si Hollis-Jefferson ng 13 points sa fourth-quarter sa Game 4 at napigilan ng TNT ang Meralco na mahila ang serye sa deciding Game 5.
Naitala naman ni Mikey Williams ang 7 sa kanyang 17 points sa final period, at nakumpleto ang krusyal na four-point play, wala nang dalawang minuto ang nalalabi para sa 103-92 kalamangan para pagsarhan ng pinto ang Bolts.
Pagkatapos ay umiskor si Hollis-Jefferson ng apat na sunod na puntos para sa final tally.
Magsisimula ang best-of-seven finals ng Ginebra at TNT sa April 9 sa parehong venue.
Ito ang unang finals matchup sa pagitan ng dalawang powerhouse teams magmula noong 2020 Philippine Cup, kung kailan dinomina ng Ginebra ang TNT, 4-1, upang kunin ang kampeonato.
Nagposte si Calvin Oftana ng 21 points, habang nagdagdag si Roger Pogoy ng 16 points, 4 rebounds, at 4 assists.
Nanguna si KJ McDaniels para sa Bolts na may 37 points, 12 rebounds, at 4 assists.
CLYDE MARIANO
Iskor:
TNT (107 ) – Hollis-Jefferson 42, Oftana 21, M. Williams 17, Pogoy 16, Castro 9, Erram 2, Chua 0, Varilla 0, Khobuntin 0, Montalbo 0.
Meralco (92) – McDaniels 37, Black 19, Newsome 11, Banchero 11, Quinto 7, Almazan 4, Hodge 2, Maliksi 1, Caram 0, Jose 0.
QS: 22-22, 53-49, 83-75, 107-92.