GINTO NG PH SUMAMPA NA SA 100 

Gold medal

PATULOY ang pama­mayagpag ng Team Philippines sa Day 8 ng 30th Southeast Asian Games kahapon kung saan pumalo na sa mahigit 100 ang nakolekta nitong medalyang ginto.

Nasungkit ng Filipinas ang ika-100 gold medal nito sa biennial meet makaraang madominahan nina Bien Zoleta-Manalac at Bambi Zoleta ang soft tennis women’s doubles.

Ang huling pagkakataon na umabot sa 100 ang gold medals ng Filipinas ay noong 2005 nang makalikom ito ng 113 golds. Naging overall champion ang bansa noong taong iyon.

Hanggang alas-7:08 kagabi, ang Team Philippines ay mayroon nang kabuuang 278 medalya – 110 gold, 86 silver at 82 bronze medals – upang lalong lumayo sa mahigpit na katunggaling Indonesia na may 62 gold, 55 silver at 70 bronze medals para sa kabuuang 187 medalya, at Vietnam na may 50-53-65 para sa kabuuang 168 medalya.

Pinangunahan ni hero surfer Roger Casugay ang gold medal haul ng Filipinas sa Day 8 nang maghari sa men’s long-boarding event ng biennial meet.

Si Casugay ay nag-viral sa pagligtas sa kanyang katunggaling Indonesian na si Arip Nurhidayat, na naputol ang tali ng surf board kaya nahampas ito ng malalaking alon sa isa sa heats sa surfing event sa Monaliza Point sa La Union.

Ibinigay ni Nilbie Blancada ang ikalawang gold medal ng surfing sa SEAG makaraang gapiin si Annissa Flynn ng Thailand sa women’s shortboard.

Matagumpay na nai­depensa ng Blu Girls ang korona sa women’s softball competitions makaraang durugin ang Indonesia, 8-0, sa finals.

Nasikwat ng Blu Girls ang kanilang ika-10 SEA Games gold via sweep upang maipagpatuloy ang kanilang unbeaten run sa biennial meet.

Ang Blu Girls ay pina­ngunahan nina  Cheska Altomonte, Garie Blando, Mary Ann Antoleh Hao, Ezra Jalandoni, Lyka Basa at Kikay Palma.

Nanalo sila ng SEA Games golds noong 1979, 1981, 1987, 1991, 1997, 2005, 2007, 2011 at 2015.

Nag-ambag din sina Susan Larsson at Jhondi Wallace ng gold medals sa waterski at wakeboarding na idinaos sa Deca Wakeboard Park sa Pampanga.

Naghari si Larsson sa women’s waterskate event matapos na pataubin sina silver medalist Thip Penpayap ng Thailand at third placer Alysha Mohamad ng Singapore.

Sa men’s division, i­nangkin ni Wallace ang gold habang kinuha ni fellow Filipino Christian Joson ang bronze.

Nagdagdag naman ang Philippine muay thai team ng dalawa pang golds sa medal haul ng bansa makaraang maungusan ni Ariel Lee Lampacan si Chamchit Sakchai ng Thailand sa men’s 54kg final, 29-28, habang nangibabaw si Philip Delarmino kay Vietnam’s Nguyen Doan Long sa men’s 57kg final.

Matapos ang ilang pagtatangka, nasikwat ni Christiana Means ang kanyang unang gold medal sa skateboarding. Umiskor si Means, nagwagi ng dalawang  silver medals sa Game of S.K.A.T.E. at skateboard street, ng 11.20 points upang pangunahan ang skateboard park category.

Ibinigay ni Jericho Francisco ang ikalawang skateboarding gold ng Pinas sa Day 8 nang madominahan ang men’s skateboard park.

Hindi rin nagpahuli si Melcah Caballero nang kunin ang gold sa rowing na idinaos sa Triboa Bay sa Subic.

Nadominahan ni Caballero ang women’s lightweight single sculls nang maorasan ng 7:50.89, habang nagkasya si Thailand’s Rojjana Raklao sa silver sa 7:54.23.

Ito ang ikatlong gold medal ng bansa sa rowing matapos na manalasa si Chris Nievarez at ang duo nina Caballero at  Joanie Delgaco sa men’s lightweight single sculls at women’s light-weight double sculls categories, ayon sa pagka-kasunod, noong Sabado.

Ang iba pang nagwagi ng medalyang ginto para sa Team Philippines ay ang duo nina golfers Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go, Dave Cea at Pauline Lopez sa taekwondo, Natalie Uy sa women’s pole vault, Jaime de Lange sa skateboarding at ang rugby team. CLYDE MARIANO

Comments are closed.