‘Gintong Gawad’ ng PSC sa kababaihan

pick n roll

Sa awiting Babae ng Inang Bayan noong dekada 90, inilarawan ang kahalagahan ng papel ng kababaihan sa lahat ng antas ng estado – may pantay na karapatan, kalinangan, husay, talino at talento —  para maging lider at dangal ng bayan.

Sa kasaysayan ng bansa, higit sa pakikipaglaban para sa kalayaan ng bayan, nakibaka ang kababaihan. Nariyan sina Gabriela, Lorena, Teresa, Lisa, Liliosa at Tandang Sora. Walang takot nilang sinagupa ang panganib at nagsakripisyo upang pawiin sa kamalayan ng lipunan ang kahinaan nina Maria Clara, Hule, Sisa at maging ni Cinderella.

Sa politika, kinilala ang kagitingan at katauhan ng namayapang Corazon Aquino sa post-Marcos era, gayundin ni Gloria Macapagal-Arroyo sa pagsisimula ng bagong millennium. Kukulangin tiyak ang mga daliri sa kamay at paa sa pagbibilang ng  pangalan ng mga dakilang babae na nagsilbing inspirasyon ng sambayanan.

Sa mundo ng sports, hindi rin nakaligtas sa panunuri at pangungutya ang lahi ni Eba noon, ngunit, iba na ngayon. Isinulong mismo ng International Olympic Committee (IOC) ang pagkakaroon ng ‘gender equality’  at hinikayat ang lahat ng organisayon, asosasyon, mga liga, samahan at koponan na bigyan ng malaking porsiyento ang bilang ng mga lider na babae.

Sa kasalukuyan, ang equestrienne na si Mikee Cojuangco-Jaworski – tinaguriang ‘savior’ ng Team Philippines sa 2002 Busan Asian Games – ang kinatawan ng Pilipinas sa IOC. Bago ang kanyang kasaysayan, tinaguriang ‘Asian Sprint Queen’ noong dekada 80 si Lydia de Vega- Mercado, habang SEAG ‘Long Jump Queen’ si Elma Muros-Posadas.

Nariyan ang mga Hall of Famer na sina Mona Sulaiman, Inocencia Solis, Haydee Colosa-Espino, Josephine dela Vina, Bong Coo, Lita del Rosario, Arianne Cerdena, at Gertrudes Lozada. Tunay na hindi kakapusin ang bansa ng mga dakilang babaeng atleta.

Ang US-based nurse na si Cerdena ang unang Pinay na nagwagi ng Olympic gold nang pagbidahan niya ang bowling competition na isang exhibition game sa 1988 Seoul Olympics, huh! Sayang. Magpahanggang ngayon, hindi kabilang ang bowling sa regular event ng quadrennial Games. (Tila nangamba ang bowling federation sa husay ng Pinoy, hindi kaya, Arianne?). Gayunman, hindi nakawala sa kasaysayan ng Olympics ang Pinay nang maitala ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ang opisyal na unang gintong medalya sa 2021 Tokyo Games.

Higit pa sa tumama sa lotto ang tinatamasa ngayon ni Hidilyn at hindi magkandaugaga ang kanyang manager kung ano ang uunahing produkto para makasabit sa pangalan ng Olympic champion. Waiting list yarn!.

Kaya  napapanahon ang programa ng Philippine Sports Commission (PSC) Women In Sports sa pamumuno ni Commissioner Celia Kiram sa pagbibigay parangal na ‘Gintong Gawad’ para sa mga natatanging atleta, asosasyon, organisasyon at mga liga na nagsusulong ng kaunlaran at progreso sa sports para sa kababaihan.

Inilunsad ni Kiram ang ‘Gintong Award’ at nanawagan sa lahat ng Pinoy, sa mga mayor, lokal na pamahalaan na ipadala ang kanilang nominasyon para kilalanin at maipagbunyi ang galing at husay ng babaeng atleta, opisyal at organizers sa kanilang nasasakupan.

Bukas ang pagtanggap ng nominasyon hanggang Nobyembre 30. Ang mga kategorya sa parangal ay Babaeng Atleta; Modelo ng Kabataan; Babaeng Atleta, ng Kabataan (PWD); Babaeng Tagasanay ng Isport; Ina ng Isport; Lider ng Isport sa Komunidad; Kaagapay ng Isport sa Komunidad (Benefactor/Sponsor, Natatangi at Makabagong Produktong Pang-Isport; at Proyektong Isport Pang Kababaihan.

Sa mga interesado, makipag-ugnayan sa Gintong Gawad National Screening, Technical, Evaluation and Validation (STEV) Secretariat: Email [email protected]; at sa numero 09493695717; 09451755464; – 09668663793; 09395988088; MM & South Luzon – 09560654003; North Luzon 09094590303; Visayas – 09053537169; Mindanao – 09178980979.

Sulong kababaihan sa mithiing makalaya.

vvv

(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected])

106 thoughts on “‘Gintong Gawad’ ng PSC sa kababaihan”

  1. 483198 224451Hello! I could have sworn Ive been to this blog before but soon after browsing by means of some with the post I realized its new to me. Anyways, Im surely happy I identified it and Ill be book-marking and checking back regularly! 477718

Comments are closed.