MAKUKULAY na sining ang sumalubong sa Setyembre ng mga dumalo sa pagbubukas ng Colors of September Art Exhibit sa Cadiz Art Gallery, Pasig City.
Ipinakita ng mga artist ng grupong Kababaihan sa Sining at Bagong Sibol na Kamalayan o KASIBULAN ang mga kulay ng buhay sa kasalukuyan sa pamamagitan ng kanilang mga sining. Masisilayan ang mga obra nina Coma Ben, Raj Busmente, Elaine Lopez Clemente, Lucylle Cawaling, Raeche Dacanay, Grace Dadulfalza, Elena Malgapo Domingo, Weena Espardinez, Baidy Mendoza, Laura Fermo, Bing Famoso, Tinsley Garanchon, Esther Garcia, Lea Lim, Nina Libatique, Yllang Montenegro, Eden Ocampo, Daisy Onate, Fel Plata, Benay Reyes, Diana Santos, Christine Sioco, Inna Naanep Vitasa, Kathy Wu, at Riza Zuniga.
Ang grupong KASIBULAN ay isang organisasyon ng Filipina artists na nakatuon sa paghimok at pagtaguyod sa “artistic growth” at paglago ng bawat miyembro at maging ng mga kababaihang Filipino.
Ang kanilang grupo ay bukas sa mga kababaihan sa sining hindi lamang sa visual arts kundi pati literary, performing artists, art historians, educators, critics, at cultural workers.
Ayon sa isa sa kanilang founder, “Iba ang feminism ng Kababaihang Filipino. Hindi iyong pagalit. We want men and women work together.’’
Ito ay nagpapakita na hindi lamang pagtataguyod at pagmumulat sa karapatan at kamalayan ng Filipina ang gustong makamit ng grupo kundi maging ang pantay sa bawat aspeto sa pagitan ng babae at lalaki sa ating bansa.
Sa bawat sining na ating masisilayan sa art exhibit na ito, hindi lamang ang damdamin ng bawat artist ang makikita kundi maging ang paglago at indibiduwalidad. Mararamdaman din sa samahan ang pagkakaisa at puso sa kanilang layunin.
Damhin ang pusong Filipina dahil patuloy na bukas ang Colors of September Art Exhibit hanggang ika-14 ng Setyembre.
Para sa mga interesado at iba pang detalye maaaring magpadala ng email sa [email protected] o tumawag sa 0922 805 2151.
Hindi nga naman maitatanggi ang galing ng Filipina. LYKA NAVARROSA