GISING, BEERMEN!

malou aquino

GAANO kaya katotoo ang aming nabalitaan na posibleng i-pull out ang ilang players sa isang team sa MPBL? Apat na players umano ang ipagpapaalam kung sakali dahil magkakaroon ng problema sa isang ligang kalahok ang koponan ng naturang mga player. Kesyo magpapang-abot umano ang international tournament sa Maharlika. Bagama’t nakapirma na ng kontrata ang apat na players ay pag-uusapan daw ito.

Sayang naman kung totoo itong nabalitaan namin, mula rin naman ito sa kampo ng apat na players at ia-­announce daw  ngayong linggo ang pag-pull out sa mga player. Pati nga ba ‘yung head coach ay kasamang tatanggalin sa team? Ano ang ­mangyayari sa team kapag nawala ang mga ito? Katunayan, malakas ang nabuong team na ito, may laban sa may laban. Abangan na lamang natin kung may katotohanan.

oOo

Maraming nag-react na Fil-Am ­players hinggil sa rules na ipinalabas ng MPBL, sa pangunguna ni Commissioner Kenneth Duremdes, na isang Fil-Am player lamang sa isang team ang puwedeng maglaro at may 6’4 lang ang taas. Paano kung ang Fil-Am player ay mas mataas pa sa  height limit, kawawa naman siya at ‘di siya makapaglalaro sa natu­rang liga na ‘di naman niya kasalanan kung bakit mas matangkad siya sa taas na limit ng liga.

Stupid nga raw ang rules na ito ng liga. Tulad sa Mandaluyong El Tigre, dalawa ang Fil-Ams nila. Mamimili sila between Ray Parks at Domingo.  Paano ‘yun? Sana ay baguhin ‘yung rules ng MPBL para sa Fil-Am players.

oOo

Ngayon pa lamang ay inaabangan na ang pagbubukas ng MPBL sa June 12, lalo na ang team Marikina kung saan maglalaro ang aktor na si Gerard Anderson para sa naturang koponan. Magkakaroon na rin ng katuparan ang pangarap ng actor na maging ganap na basketball player. Tsika namin, tumungo si Anderson sa Pinas hindi para umarte sa harap ng camera kundi para mag-tryout sa mga university para maging varsity player. Pero dahil sa guwapo at artistahin ang dating, na-discover siya na maging artista.

Bagama’t naging actor, hindi nawala sa isip niya ang paglalaro. Naglalaro sila kada Linggo ng kanyang mga kapwa actor sa Makati, kasama ang ilang kaibigang PBA players. Tsika nga namin, masipag sa practice ng Marikina team si Gerard. Wala raw arte sa katawan at tunay na player na matatawag.

oOo

Nakakadalawang talo na ang SMB sa Commissioner’s Cup. Mukhang hindi pa nagagamay ng mga da­ting player ang laro ni Christian Hardinger at ng kanilang import. Ang huling nalasap na talo ng Beerman ay kontra sa Rain or Shine via OT. Hindi kaya nasa cloud nine pa rin ang tropa ni coach Leo Austria. Hoy, gising!

 

Comments are closed.