GISING-GISING AT BINUKADKAD NA PLA-PLA MASARAP NA MAGKA-PARTNER

GISING-GISING-BINUKADKAD NA PLA-PLA

(ni CT SARIGUMBA)

SA TUWING gusto nating kumain o naghahanap ng lasa ang ating dila, masarap na pagkain kaagad ang iniisip natin. Mga pagkaing kakaiba sa pangalan pa lang at hitsura. Iyong tipong iniisip mo pa lang ang naturang pagkain ay natatakam ka na’t lalong nakadarama ng gutom.

Kunsabagay, wala nga namang pagkain ang masasabi nating hindi masarap o kapos sa lasa. Siyempre, lahat ng ginagawa o niluluto, sinisigurong masarap ito’t matutuwa ang makatitikim.

Ngunit hindi lahat ng pagkaing iniisip na­ting masarap ay masa­sabi nating mahal. Hindi rin porke’t masarap na putahe ang hinaha­nap-hanap natin, laging mamahalin ang sangkap nito gaya ng steak o karne. May mga putahe o ulam ding gamit ang simpleng recipe ngunit kapag natikman mo, talagang uulit ka sa sarap. Kagaya na nga lang ng gising-gising at binukadkad na pla-pla.

Mas sumasarap nga naman kasi ang pagkain kapag may ka-partner ito. Napakarami nating pagkain ang masarap kapag magkapartner gaya na lang ng pritong isda at monggo. Nariyan din ang kape at pandesal. Hindi rin si­yempre nawawala ang kanahihiligan nating tuyo at champorado.

At bukod nga sa mga nabanggit, isa pa ang gising-gising at binukadkad na pla-pla sa masasabi kong the best na magka-partner.

Simpleng-simple lang ang paggawa o pag­luluto ng binukadkad na pla-pla. Kaila­ngan mo lang ng natu­rang isda. Linisin itong mabuti at saka hiwain ang magkabilang side. Pero huwag tatanggalin ng buo ang laman. Timplahan din ng asin at paminta. Kapag nanuot na ang lasa sa buong isda, puwede na itong iprito. Para magpantay ang luto, kailangang nakalubog sa mantika ang pla-pla. Puwede rin namang gumamit ng ibang isda gaya ng tilapia.

Kapag naluto na ang binukadkad na pla-pla, hanguin na ito sa apoy at saka patuluin nang matanggal ang mga nanuot o sobrang mantika.

Pagkatapos ay puwede namang isunod ang pagluluto ng Gi­sing-gising.

Ang mga sangkap na kakailanganin natin sa paggawa ng Gising-gising ay ang green beans, na hiniwa sa maliliit na piraso, minced pork, chicken o seafood, bagoong o shrimp paste, coconut milk at coconut cream, red chilies, bawang, sibuyas, paminta at mantika.

Madali lang naman itong lutuin. Ihanda ang lahat ng mga kakaila­nganing sangkap. Kapag naihanda na ay magsalang na ng kawali o lutuan. Lagyan ito ng mantika. Kapag mainit na ang mantika ay ilagay na ang pinitpit na bawang at hiniwa-hiwang sibuyas.

Pagkatapos ay isama na rin ang minced pork, chicken o shrimp at lutuin. May ilan din kasing gumagamit ng shrimp. Kung shrimp nga lang ang gagamitin, kailangan itong balatan.

Lutuin ito ng bahagya. Pagkatapos ay ibuhos na ang coconut milk, mas masarap kung fresh ang gagamiting coconut milk. Pakuluin ito ng 15 minuto sa katamtamang lakas ng apoy.

Kapag lumapot na ang coconut milk, lagyan na ito ng shrimp paste, at green beans. Pakuluin ulit.

Kapag kumulo na, isama na ang coconut cream at hiniwa-hiwang red chilies. Lutuin ito sa loob ng dalawang minuto.

Panghuli ay lagyan ng paminta at maaari na itong pagsaluhan ng pamilya kasama ang binukadkad na pla-pla.

Maraming pagkaing katakam-takam at abot-kaya lamang sa bulsa ang puwede nating lutuin. Kagaya na nga lang ng Gising-gising at Binukadkad na Pla-pla. Sa sarap nito, tiyak na mapakakain ng marami ang buong pamilya.

Kaya naman, kung nag-iisip ng mainam na putahe, subukan ang recipe na ibinahagi namin sa inyo. (photo credits: Google)

One thought on “GISING-GISING AT BINUKADKAD NA PLA-PLA MASARAP NA MAGKA-PARTNER”

  1. 583291 385465Hey! Do you know if they make any plugins to protect against hackers? Im kinda paranoid about losing everything Ive worked hard on. Any recommendations? 952070

Comments are closed.