SA tuwing gusto nating kumain o naghahanap ng lasa ang ating dila, masarap na pagkain kaagad ang iniisip natin. Mga pagkaing kakaiba sa pangalan pa lang at hitsura. Iyong tipong iniisip mo pa lang ang naturang pagkain ay natatakam ka na’t lalong nakadarama ng gutom.
Kunsabagay, wala nga namang pagkain ang masasabi nating hindi masarap o kapos sa lasa. Siyempre, lahat ng ginagawa o niluluto, sinisigurong masarap ito’t matutuwa ang makatitikim.
Ngunit hindi lahat ng pagkaing iniisip nating masarap ay masasabi nating mahal. Hindi rin porke’t masarap na putahe ang hinahanap-hanap natin, laging mamahalin ang sangkap nito gaya ng steak o karne. May mga putahe o ulam ding gamit ang simpleng recipe ngunit kapag natikman mo, talagang uulit ka sa sarap.
Kapag lumalabas kami ng pamilya ko, naghahanap kami ng restawran na masarap kainan. Iyong alam naming maiibigan namin ang kanilang putaheng inihahanda.
Mahilig din kasi kaming kumain at magluto. Kapag hindi masarap ang natikman namin sa isang restawran ay hindi na kami bumabalik doon. Pero kung masarap, kung puwedeng linggo-linggo naming puntahan, pupuntahan namin.
Isang kainan sa Greenbelt ang minsan naming pinuntahan at natuwa kami sa lasa. Bukod sa mahilig kaming kumain, gusto namin iyong mga simpleng pagkain lang. Ayaw namin ng mga klase ng pagkaing tila ‘maaarte’. Mas gusto namin iyonng simple ngunit masarap at mabubusog kami. Higit sa lahat, dapat ay swak lang sa budget namin.
Nang una kaming magtungo roon, dahil mahilig ang hubby ko sa kare-kare, iyon kaagad ang inorder niya. Samantalang sa akin naman ang binukadkad na pla-pla. Malaki ang serving. Good for two to three persons ang kare-kare at binukadkad na pla-pla kaya’t natuwa kami.
Mas lalo rin naming ikinatuwa ang lasa nang matikman namin ito. Usually, mareklamo ang hubby ko kapag kare-kare ang ino-order niya. Kesyo gawgaw ang ginamit. Hindi gumamit ng totoong mani o nagdurog ng mani at kung ano-ano pa.
Pero sa pagkakataong iyon, nasarapan siya. Naki-share pa nga ako sa kare-kareng inorder niya kahit na hindi ako mahilig kumain ng ganoong klaseng pagkain. Pero that time, napakain talaga ako.
Crispy rin ang kanilang binukadkad na pla-pla. Prito lang pero saktong-sakto ang pagkakaluto. May dalawang choices ka rin ng sawsawan, ang regular na toyo’t kalamansi at ang dulong.
At dahil din sa nasarapan kami sa pagkain sa isang restawran sa Greenbelt, nagpasya kaming bumalik doon. Sinubukan ulit namin ang binukadkad na pla-pla dahil mahilig ako sa isda. Tinikman din namin ang kanilang lengua at ang Gising-gising.
Nang matikman ko ang gising-gising, sobrang nagustuhan ko ang lasa. Sabi ko, gagayahin ko ito sa bahay. Magluluto rin ako ng ganoong klaseng pagkain.
Kaya ayon nga, inalam ko ang recipe.
At sa mga gusto ring subukan ang Gising-gising, ang mga sangkap na kakailanganin natin sa paggawa ng Gising-gising ay ang green beans, na hiniwa sa maliliit na piraso, minced pork, chicken o seafood, bagoong o shrimp paste, coconut milk at coconut cream, red chilies, bawang, sibuyas, paminta at mantika.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Kapag naihanda na ay magsalang na ng kawali o lutuan. Lagyan ito ng mantika. Kapag mainit na ang mantika ay ilagay na ang pinitpit na bawang at hiniwa-hiwang sibuyas.
Pagkatapos ay isama na rin ang minced pork, chicken o shrimp at lutuin. May ilan din kasing gumagamit ng shrimp. Kung shrimp nga lang ang gagamitin, kailangan itong balatan.
Lutuin ito ng bahagya. Pagkatapos ay ibuhos na ang coconut milk, mas masarap kung fresh ang gagamiting cocnut milk. Pakuluin ito ng 15 minuto sa katamtamang lakas ng apoy. Kapag lumapot na ang coconut milk, lagyan na ito ng shrimp paste, at green beans. Pakuluin ulit.
Kapag kumulo na, isama na ang coconut cream at hiniwa-hiwang red chilies. Lutuin ito sa loob ng dalawang minuto.
Panghuli ay lagyan ng paminta at maaari na itong pagsaluhan ng pamilya.
Maraming pagkaing katakam-takam at abot-kaya lamang sa bulsa ang ingredients. Kaya naman, kung nais ninyong matikman ang kakaibigang sarap ng Gising-gising, subukan na ang pagluluto nito.
Happy cooking!
Comments are closed.