GISINGIN ANG TUTULOG-TULOG NA UTAK

IDEA

Tulala at sabaw moments? Sa rami ng ating ginagawa araw-araw, hindi lamang ang katawan ang napapagod, maging ang ating utak na 24/7 kung gumana.

Mabilis na tumatanda ang utak kung hindi ito madalas na ginagamit at malaki ang epekto nito sa atin. Ilan sa epekto nito ay ang pagiging makakalimutin, mabagal na pag-intindi, mainisin, maikli ang attention span, at hirap sa pag-focus.

Ayon sa pag-aaral, ang utak ay patuloy na gumagawa ng bagong neurons habang buhay ang tao base sa mental activity. Ibig sabihin, ang function ng utak ay maaaring mapabuti at mapagyaman kahit ano pa ang iyong edad.

Hindi lamang ang ating pangangatawan ang dapat na­ting pinananatiling malusog kundi maging ang ating utak. Lingid sa ating kaalaman na ang simpleng mga gawain ay mabisa na palang paraan upang panatilihing gising at mabilis na gumagana ang utak. Narito ang ilang simpleng paraan para mapanatiling gising at malusog ang utak:

LET’S GET PHYSICAL!

Ayon sa pag-aaral ng isang Neuroscientist na si Wendy Suzuki, ang ehersisyo ay ang pinakamagandang pa­raan upang mapalusog ang utak. Ito ay may agaran at direktang epekto sa utak, magandang mood, maayos na memory, at mabilis na pag-focus.

Mas ikabubuti ng utak ang regular na ehersisyo para sa matagalang epekto at proteksiyon laban sa sakit sa utak tulad ng Dementia at Alzheimer’s disease.

Ayon sa pag-aaral, ang minimum na 30 minutong ehersisyo sa araw-araw ay malaki ang maitutulong sa kalusugan.

Ngunit sa panahong kaliwa’t kanan ang gawain: school, trabaho, social life, paano pa maisisingit ang exercise? Mabisang alternatibo ang paglalakad. Gamitin ang hagdan kaysa sa paggamit ng elevator, sa halip na sumakay ng tricycle papunta sa ilang metrong layong terminal ng jeep, lakarin na lang ito.

Dagdag na tips, kung may exam, interview, recitation, o presentation, makabubuting maglakad, o mag-brisk walk sa loob ng sampung minuto.

BUSUGIN ANG ANTUKING UTAK

Ugaliing kumain ng masusustansiyang pagkain nang mapanatili ang malusog na utak.

Ang avocado ay nakatutulong upang maiwasan ang blood clot sa utak.

Mabisa rin itong proteksiyon sa stroke. Nakapagpapabuti rin ito ng memorya at konsentrasyon.

Karaniwang sinasabi na huwag kakain ng itlog kapag may pagsusulit, ngunit kasalungat ito ng ating ina­akala. Ang itlog ay mayaman sa choline, na maihahalintulad sa Vitamin B. Ito ay nagpapabuti sa pagpapanatili ng komunikasyon sa pagitan ng brain cells ng isang tao at tumutulong na mag-produce ng happy hormones.

Isa pa sa mabisang pagkain sa utak ang green, leafy veggies. Makatutulong ito upang maiwasan ang mabilis na pagtanda o pagde-deteriorate ng utak.

KILITIIN ANG IYONG UTAK

Maraming iba’t ibang brain training app ang makikita sa online, isa itong magandang paraan para bigyan ng ehersisyo ang utak. Heto ang ilan sa patok at libreng brain training mobile app na dapat mong subukan.

Lumosity. Susubukin nito ang iyong speed, memory, attention, flexibility, and problem solving skills.

Elevate. Sa app na ito ay masusubukan ang iyong kaalaman sa pagsulat, pakikinig, pagsasalita, pagbsasa, at maging sa math.

Peak. Ito ay mayroong 30 mini-games kung saan ay maaaring paghusayin ang concentration, memory, mental agility, language, at problem-solving.

Fit Brains. Nilalayon ng app na ito na subukin ang emotional intelligence ng isang individual sa pamamagitan ng mga larong nakapokus sa social skills, social awareness, self-awareness, at self-control.

CogniFit. Ang app na ito naman ay naglalayong pagbutihin ang short-term memory, planning, hand and eye coordination, at auditory perception.

Panatilihing gising at malusog ang utak upang ma­ging produktibo at malikhain. Makaiiwas din sa sakit na dulot ng stress ang utak kung uugaliing mag-ehersisyo at ang pagkain ng masusustansiyang pagkain.

Gawing fit ang brain, pati ang iyong body! (photos mula sa google) MARY ROSE AGAPITO

Comments are closed.