Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Converge vs Rain or Shine
6:30 – Magnolia vs TNT
SISIMULAN na ng Talk ‘N Text ang pagdepensa sa Philippine Cup title sa pagbubukas ng PBA 47th season ngayong Linggo sa Araneta Coliseum.
Makakasagupa ng Tropang Giga ang Magnolia Chicken Timplados sa main game sa alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng bagong koponang Converge at Rain or Shine sa alas-4:30 ng hapon.
Ang Converge ang nakabili sa franchise ng Alaska na nagpaalam na sa liga.
Hindi magiging madali ang laban ng TNT sa maagang rematch nila ng Magnolia.
Muling sasandal si TNT coach Chot Reyes sa kanyang mga beterano na sina Jayson Castro, Troy Rosario, Roger Pogoy, Mikey Williams, Ryan Reyes at Kelly Williams kontra kina Andy Mark Barroca, Paul Lee, Ian Sangalang, Jio Jalalon, Rome de la Rosa at Rafi Reavis.
Samantala, hindi dapat magkumpiyansa ang Rain or Shine kontra Converge na pinalakas ng mga manlalaro mula sa Alaska, sa pangunguna nina Jeron Alvin Teng, Mike Tolomia at Michael Digregorio.
“This team is young and highly competitive. Other teams should not underestimate and underrate this team because it is capable of creating ripple in this conference,” sabi ni dating Commissioner at team manager Atty. Angelico ‘Chito’ Salud sa panayam ng PILIPINO Mirror.
Sa gabay ni veteran coach Jeffrey Cariaso katuwang si kapwa dating PBA player at assistant coach Danny Ildefonso, lalabanan ng Fiberxers ang Elasto Painters na pinangungunahan ng mga beteranong sina Gabe Norwoood, Beau Belga, Jewel Ponferada, Rey Mamatac at Norbert Torres.
Umaasa si PBA Commissioner Willie Marcial na magiging kapana-panabik ang Philippine Cup tulad sa mga nagdaang conferences.
“I am expecting another exciting games because all the teams are strong and have good chances for the title,” ani Marcial.
Maglalaro ang 12 koponan sa single elimination round.
Ang top eight matapos ang elimination ay papasok sa quarterfinals at ang top four ay aabante sa semifinals at maglalaro sa best-of-seven series. Ang top two ang maghaharap sa best-of-seven para sa titulo. CLYDE MARIANO