GIYERA VS COVID-19 IPAUUBAYA SA BARANGAY

Restituto Padilla

CAMP AGUINALDO -IBABABA na ng pamahalaan sa mga komunidad partikular na sa mga barangay sa Metro Manila ang pagsugpo sa 2019 Coronavirus Disease (COVID-19).

Ito ang inihayag ng National Task Force against COVID-19 upang makamit ang target na “Flattening The Curve” o mapababa hanggang sa tuluyang matuldukan ang pagdami ng kaso ng sakit dulot ng virus sa episentro ng COVID sa bansa–ang Metro Manila.

Ayon kay Retired Maj/Gen. Restituto Padilla, Spokesperson ng National Task Force against COVID-19, sa ilalim aniya ng localized na pagpapatupad ng National Action Plan against COVID-19 ang tatlong T’s: Testing, Tracing at Treatment.

Naniniwala aniya ang pamahalaan na ito ang susi upang ganap na masugpo ang sakit na dulot ng COVID-19 kung saan maihihiwalay ang mga persons under investigation na nakakaranas ng mild hanggang moderate na sintomas ng sakit dulot ng virus.

Mapapadali rin ani Padilla ang trabaho ng mga awtoridad sa pagkakasa ng contact tracing para mapigilan din ang pagkalat nito at agad madadala sa itinalagang quarantine facilities ang mga suspected carrier ng virus maging sila man ay asymptomatic.

Kahapon, nakipagpulong si NTF COVID Chief Implementer Sec. Carlito Galvez sa Metro Manila Mayors kasama na rin si Executive Secretary Salvador Medialdea para bigyang diin ang Detect, Isolate, Treat at Reintegration approach para tuluyang malabanan ang COVID-19 gayundin ang sakit na dulot nito. REA SARMIENTO