MALAYO pa ang tatahakin ng bansa sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang binigyang diin ni Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Spokesman at Cabinet Sec. Karlo Alexi Nograles sa gitna ng COVID-19 crisis na kinaharap ng Filipinas.
Ayon kay Nograles, bagama’t puspusan ang pagsisikap ng gobyerno upang malabanan ang COVID-19 ay hindi pa aniya tapos ang laban.
Aniya, may mga magandang developments naman ngunit mas makabubuti nang makasiguro lalo na’t kalusugan ng publiko ang nakataya sa banta ng COVID-19.
Matatandaang pinalawig pa ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon hanggang sa Abril 30.
Samantala, sinabi naman ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña na mahaba pa ang proseso ng paggawa ng bakuna at kung may na-develop na sa ibang bansa ay baka puwede tayong makipag-partner.
Sa panayam ng DWIZ ay sinabi ng kalihim na kasalukuyang dine-develop ang virgin coconut oil (VCO) na maraming anti viral properties ngunit kailangan pa itong dumaan sa clinical trial.
Ang coconut oil ay maaring isama sa gagamitin sa paggagamot sa pasyente.
Halimbawa umano ay bibigyan ng VCO ang 40 pasyente habang ang 40 pasyente ay hindi.
Ipinaliwanag ng kalihim na mangangailangan ng 28 araw na pag-aaral at titingnan ang kondisyon ng pasyente mula sa Day 1 hanggang Day 28 at kung makita na malaki ang makikitang pagkakarekober kumpara sa hindi binigyan ng VCO ay malaking bagay na umano ito para sa panggagamot sa COVID-19. DWIZ882
Comments are closed.