GIYERA VS CYBERCRIMES PINAIGTING

DICT-2

NAKATAKDANG bumuo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng isang task force at complaint center para sa text scams at illegal sites.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB ay binigyang-diin ni newly-appointed DICT Secretary Ivan Uy ang pangangailangan na paigtingin ang kanilang crackdown sa cybercrimes.

Ayon kay Uy, inatasan na niya ang kanilang field personnel na agad imbestigahan at i-report ang patuloy na operasyon ng e-sabong o online cockfighting websites.

“Dahil sa order na pagpapatigil sa online sabong… hinahabol na natin kung anong mode ang ginagamit para maipagpatuloy ang operasyon nito… We will set up a task force to monitor ‘yung mga illegal na gumagamit ng ating teknolohiya,” sabi ni Uy.

Dagdag pa niya, magtatatag din sila ng central complaint center kung saan puwedeng i-consolidate ang mga reklamo laban sa text scams.

Magiging malaking tulong, aniya, kung maipapasa sa 19th Congress ang SIM Card Registration Act.

Magugunitang vineto ni dating Presidente Rodrigo Duterte noong Abril ang SIM Card Registration Act na nagtatakda ng mandatory registration ng lahat ng SIM cards at social media accounts.

Samantala, sinabi ni Uy na plano nilang magtayo ng isang call center na tatanggap ng mga reklamo na may kaugnayan sa serbisyo ng telecommunication ­providers.