MULA noon hanggang ngayon, isa sa mabigat na problema ng bansa ay ang child pornography.
Habang tumatagal, dumarami ang mga nabibiktima.
Kaya higit itong pinag-uukulan ng pansin ngayon ng administrasyong Marcos.
Malala na raw kasi ang pornograpiya sa mga bata lalo na sa internet o online.
Malupit ang mga pinagagawa sa kanila ng mga hayok na pedopilya.
Pinagkakakitaan ng mga hayok sa laman.
Nariyan ang mga Australyano, Briton, Amerikano, at iba pang dayuhang pedophiles.
Totoong paborito ng mga pedo na puntahan ang Pilipinas.
Talaga namang masaya sila kapag pumupunta rito para mangaray ng mga menor de edad na babae o lalaki.
Nang pumasok ang pandemya, aba’y parang naging talamak pa raw ito.
Ito ang dahilan kaya nagdeklara na ng giyera ang pamahalaang Marcos laban sa child pornography at child online exploitation.
Katunayan, bumuo na si Justice Secretary Boying Remulla ng inter-agency task force.
Magtutulungan ang iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan para nasawata na ang krimeng ito.
Tinatayang 1 billion dollar industry ang child pornography at online child sexual exploitation.
Malinaw na biktima lang din tayo rito.
Nangunguna o mastermind naman daw ang mga dayuhan sa ibang mga bansa.
Lumilitaw pa nga na karamihan sa mga dayuhan na parukyano ng ganitong mga uri ng cyber materials ay mga Europiano.
Sabi nga ni DILG Secretary Benhur Abalos, batay sa mga pag-aaral, lumalabas na numero uno ang Pilipinas sa buong mundo pagdating sa online child pornography.
Dito’y kinakasangkapan ang mga musmos na walang kalaban-laban.
Naku, mismong sariling mga walang pusong magulang ang suspek at pagkakakitaan sila.
Well, matagal na naman ang problemang ito.
Maging si DSWD Secretary Erwin Tulfo ay aminadong kahit noong mga nakaraang taon ay nangyayari na ang mga kaparehong kaso.
Hindi nga lang daw natutugunan dahil naging abala ang pamahalaan sa ibang mga bagay tulad ng pandemya, war on drugs, terorismo at pagsugpo sa graft and corruption.
Sa totoo lang, matibay ang batas ng ibang bansa laban sa child pornography at cybersex habang sa atin ay wala man lang daw panlaban sa mga hayok.
Kung susuriing maigi, mayroon naman tayong tatlong batas na layong labanan ang child pornography gaya ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act of 1992; RA 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009: at RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Gayunman, ipinalalagay pa rin ng United Nations Children’s Fund (Unicef) ang Pilipinas bilang nangungunang pinagmumulan ng child pornography sa mundo.
Nagiging sentro raw ito ng livestream sexual abuse trade.
Libo-libo raw ang mga naitatalang cybercrimes bawat buwan na may kinalaman sa child sexual abuse.
Ganyan kaseryoyo ang problema ng child pornography sa atin kaya’t walang lugar ang isyung ito sa panunuya.
Ngunit tandaan din na mas malala pa nga ang mga nangyayari sa ibang bansa.
Nakalulungkot lang isipin na sa ibang bansa pa nadadakma ang mga pedo habang patungo rito sa ating bayan.
Naalala ko nga noong mga nakaraang taon, may isang Briton na naharang sa airport sa kanilang bansa habang patungo sa Pilipinas kung saan natuklasan sa kanyang luggage ang sangkaterbang tsokolate, sex gadgets, at webcams.
Kaya hindi na nakatuntong sa bansa ang hayok.
Sa ngayon, higit pang sopistikado ang mga gamit ng mga kriminal.
Kasi sa pamamagitan ng computer webcam o kaya’y smartphones ay maaari nang mag-pose ng hubad o kunan ng video ang mga kabataang lalaki at babae.
Lalong nagiging talamak ang pornograpiya at nawa’y magtuloy-tuloy ang mabibigat na hakbang ng pamahalaan laban dito.