GLAIZA DE CASTRO PUPUNTA SA LONDON PARA SA CRASH COURSE NG MUSIC PRODUCTION

GLAIZA-DE-CASTRO-2

SPORTING a new look ang Kapuso actress na si Glaiza de Castro dahil nagpaputol ito ng buhok.the point

Bumagay naman sa kanya ang kanyang short hair na kailangan daw niyang ipaputol dahil na-damage raw ito habang ginagawa niya ang te­leseryeng “Contessa”.

Nilinaw naman niya na walang statement ang kanyang ginawang pagbabagong-anyo.

Hindi rin daw siya broken-hearted dahil wala rin daw naman siyang boyfriend at kinikilatis pa niya ang Irish surfing instructor na si David Rainey na napabalitang nanliligaw sa kanya.

Hindi rin daw siya nagrerebelde at nakikiisa sa mga anti-Marcos sentiments ng ilang netizens lalo pa’t muling ginunita noong Setyembre 21 ang Martial Law ng mga naapektuhan nito nang ideklara ito sa buong bansa noong dekada ’70.

Pahinga muna sa paggawa ng teleserye si Glaiza dahil gusto niyang pagtuunan muna ang isa pa niyang passion: ang music production.

Papunta sa London ang magaling na aktres para mag-aral ng crash course sa music production  sa Liverpool.

“Sinusulit ko lang iyong time kasi wala naman akong ginagawang tuloy-tuloy. After that kasi, magdidire-diretso na naman ako kasi may gagawin akong movie,” aniya.

Sa England niya napiling mag-aral dahil feeling niya may connection siya sa mga klase ng mga mga musikang naiprodyus ng nasabing bansa.

“Noong high school kasi ako, nahilig ako sa maraming banda from UK , like iyong Coldplay, Oasis, The Script, One Direction, The Clash, The Cure, Radiohead, so ang dami kong inspirasyon sa ban-sang iyon. Feeling ko, may koneksyon ako sa music nila,” kuwento niya.

Wala raw mag-i-sponsor ng kanyang pag-aaral at biyahe dahil sarili raw niya itong gastos.

“Noong naghahanap ako ng iskul, may nagsabi sa akin. I-check ko raw iyong Liverpool Performing Arts. Noong binasa ko, si Paul McCartney pala ang isa sa mga nagtayo noon, so kaya doon ko naisip na mag-enrol,” paliwanag niya.

Bukod sa pagiging magaling na aktres, isa ring talentadong singer si Glaiza. Siya ang umawit ng isang komposisyon ng isinulat ng kanyang kaibigang si Angelica Panganiban. Naging collaborator din siya ng actress nang gawin nito ang  kantang “Waiting Shed”.

Happy naman si Glaiza dahil magkakaroon na ng theatrical run ang “Liway”,  ang highest grossing movie sa kasaysayan ng Cinemalaya na  palabas na ngayong Oktubre kung saan gina­gampanan niya ang role ng isang rebelde na nakulong noong panahon ng Martial Law.

Mula sa direksyon ni Kip Oebanda, kasama rin sa “Liway” sina Dominic Roco, Kenken Nuyad, Sue Prado, Soliman Cruz, Joel Saracho, Sue Prado, Paolo O’Hara, Ebong Joson,  Nico Antonio, Gerry Cornejo, Diana Alferez, Julie Bautista,  Pau Benitez, Liway Gabo, She Maala, Renante Bustamante at Madeleine Nicolas.