TAGUMPAY ang isinagawang test-run at technology demonstration ng 200-500 kilo per hour capacity na glass pulverizer na ibinigay sa Local Government Unit ng Esperanza sa lalawigan ng Masbate sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) program ng DOST V.
Sa report, pinangasiwaan nina Engr. Jose Ryan Amante at Carlo M. Lupango, Provincial Science and Technology staff ang aktibidad. Nakipag-ugnayan naman dito sina Mayor Fernando Talisic at MENRO ng LGU na si Engr. Manuel Campo, bilang coordinator ng Materials Recovery Facility sa Barangay Puting-Bato.
Ang test-run ay nagbigay sa mga kawani ng pangunahing kaalaman kung paano paandarin at pananatilihing maayos ang kondisyon ng kagamitan.
Dagdag pa rito, nagsagawa rin ng technology demonstration sa paggawa ng hollow block gamit ang durog na salamin, ratio na 1:3:5:1.5 ng semento at tubig na 0.5 gallon.
Ang demonstrasyon ay nagbunga ng 8 piraso na 4″ na concrete hollow block.
Ang glass pulverizer ay epektibong pinipino ang mga bote ng salamin na magagamit sa paggawa ng iba’t-ibang produkto tulad ng recycled glass counter tops, glass asphalt, glass-filled concrete, terrazzo flooring, glass-based decorative tiles, reflective paint, eco-friendly paving stone at eco-concrete hollow blocks (CHB).
Layon ng CEST na bumuo ng mga progresibo, pinalakas at matatag na komunidad sa kanayunan.
RUBEN FUENTES