Globe, BAP nagkaisang palakasin ang cybersecurity ng mga bangko para maprotektahan ang publiko

GLOBE

Nagkaisa ang Globe at ang Bankers Association of the Philippines (BAP) para lalo pang palakasin ang mga hakbang sa cybersecurity ng mga bangko. Ito ay para mapanatiling ligtas ang publiko mula sa mga lumalaganap na mapaglinlang na mga aktibidad gamit ang internet, SMS, at voice calls.

Pinangunahan ni Ernest Cu, Presidente at CEO ng Globe Group, at ni Antonio Moncupa, Jr., Presidente ng BAP, ang pagpirma sa Memorandum of Understanding (MOU) noong ika-4 ng Agosto 2022. Sinamahan sila nina Globe Chief Information Security Officer Anton Bonifacio, Globe Chief Privacy Officer Irish Salandanan-Almeida, BAP Cybersecurity Committee Chairman Eugene Acevedo, at BAP Managing Director Benjamin Castillo.

Mayroong 45 na miyembro ang BAP sa kasalukuyan, kabilang na ang 21 lokal na mga bangko at 24 na mga sangay mula sa ibang bansa.

Nangako ang BAP na hihikayatin nito ang mga miyembrong bangko para tulungan ang Globe na masolusyunan ang tumataas na bilang at lalo pang nagiging komplikado na mga krimeng pampinansiyal.

Dahil sa digitalization, dumarami ang mga kaso ng identity theft, phishing, spam SMS, at iba pang gawaing panloloko. Ang mga krimeng ito ay lubhang nakaaapekto sa mga mamamayan at sa iba’t-ibang industriya gaya ng pinansiyal, telekomunikasyon at e-commerce.

“Umaasa kami na ang MOU na ito ay magbibigay-daan para makapagbahagi ng data at intelligence ang Globe at mga BAP member-banks para mas mapaigting ang pagtuklas at pag-iwas sa mga gawaing panloloko. Mababawasan nito ang mga limitasyon sa pakikipagtulungan ng dalawang grupo habang nananatiling sumusunod sa mga alituntunin ng Data Privacy Act of the Philippines,” pahayag ni Cu.

“Nalulugod kami sa kolaborasyon kasama ang Globe. Mas mapapahusay nito ang pagsisikap ng industriya na mapigilan ang cybercrime. Makakatulong ang MOU sa paglalagay ng mga karagdagang hakbang para mahuli ang mga cybercriminals at mapanagot sila sa kanilang mga aksyon,” ayon naman kay Moncupa.

Bago pa man ang MOU, nakikipagtulungan na ang Globe sa mga malalaking bangko at online retailers sa bansa. Mayroong sari-sariling 24/7 na komunikasyon ang Globe sa mga ito para mapadali ang pagsumbong, pag-imbestiga, at pagharang sa mga malisyosong aktibidad gamit ang SMS.

Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, naharang ng anti-spam at security protocols ng Globe ang nasa 36.7-milyong bank-related spam at scam messages.

Sinimulan ng Globe ang pagpapalakas ng kakayahan nito sa cybersecurity noong 2014 para maiwasan ang mga pag-atake at banta sa imprastraktura nito at maprotektahan ang mga customer.

Walang humpay ang paglaban ng Globe sa mga cyber threats. Hinihikayat nito ang publiko na makiisa sa pamamagitan ng pagsumbong ng mga natatanggap na spam at scam messages sa Stop Spam Portal. Mayroon ding mga cyber safety educational materials ang kumpanya na pinalalabas sa pamamagitan ng Digital Thumbprint Program (DTP) at #makeITsafePH campaign.

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Globe, bisitahin ang www.globe.com.ph.