GLOBE NAGBABALA LABAN SA MGA BAGONG BANTA NG PHISHING, 203 SITES HINARANG SA Q1 2022

GLOBE - Global Rising Star

BINALAAN ng Globe ang mga customer nito laban sa mga phishing attack, o ang pagkalat ng mga mensaheng nagkukunwaring opisyal na komunikasyon.

Dahil dito, ang Globe cybersecurity team ay patuloy na nagpapalakas ng mga hakbang laban sa mga spam at online scam.

Ang mga phishing attack kamakailan laban sa mga customer ng Globe ay gumagamit ng mga mensahe na may paksang work e-mail invoice na mukhang official communication. Kung ito ay i-click, pupunta ang link sa isang phishing site kung saan hihingin ang sensitibong personal impormasyon.

“Hinihikayat namin ang publiko na huwag sumagot sa mga e-mail na ito o mag-click sa anumang kahina-hinalang mga link. At higit sa lahat, huwag magbigay ng anumang personal na impormasyon online nang hindi kumpirmado ang pinanggalingan ng mensahe,“ sabi ni Anton Bonifacio, Globe Chief Information Security Officer.

Ang phishing ay isang pangkaraniwang uri ng online na panloloko kung saan ang mga kriminal ay nagpapanggap na isang lehitimong organisasyon o indibidwal na may importanteng mensahe para sa customer. Ang pangunahing layunin nito ay linlangin ang mga online user na magbigay ng personal na impormasyon na maaaring magamit ng mga kriminal.

Payo ni Bonifacio, gumamit ng mga password na mahirap hulaan at i-activate ang Multi-Factor Authentication para mas maprotektahan ang mga online account ng mga customer.

Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Globe laban sa online fraud, hinaharang nito ang mga spam message gamit ang mga filter, tulad ng anti-spam fingerprint, URL blacklist, access control blacklist at regular expression.

Sinusuri rin nito ang mga mensaheng nahaharang ng mga discovery filter at nagsasagawa ng threat intelligence subscription na sumusubaybay sa online traffic.

Dahil sa masusing pagbabantay, naharang ng Globe ang 203 phishing sites ngayong first quarter ng 2022. Kabilang dito ang 112 phishing sites na nagkukunwaring bangko, at 91 phishing sites na nagpapanggap na lehitimong GCash site.

Bukod sa mga ito, may mga naharang pang 208 online gambling sites, 705 child pornography domains at 64,132 na iba pang URL sa loob ng unang quarter ng 2022.

“Patuloy kaming nakikipagtulungan sa mga bangko at online retailer gamit ang mahigpit na koordinasyon para tuluyang harangin ang mga phishing threats. Mas malalabanan natin ang online fraud kung sama-sama,” sabi ni Bonifacio.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Globe, pumunta sa www.globe.com.ph.