PINURI ng nangungunang digital solutions platform Globe ang direktiba ng National Telecommunications Commission (NTC) na nag-aatas sa telecom companies na i-block ang text messages na may clickable links, na isang hakbang na naglalayong mabawasan ang scams at fraudulent activities.
Ang Globe ang unang nagpatupad ng hakbang na ito noong September 2022, kung saan sinala nito ang lahat ng person-to-person (P2P) SMS na may clickable links sa kanilang network.
“We praise and embrace the NTC’s directive. We at Globe recognize its significance in our shared journey towards a safer digital landscape. In line with this proactive step, we reaffirm our commitment to reducing scams and fraudulent activities, ensuring that every message sent and received is one of trust,” wika ni Anton Bonifacio, Globe Chief Information Security Officer.
Sa isang memorandum na may petsang September 27, 2023, binigyang-diin ni NTC Commissioner Ella Blanca B. Lopez ang pagbabago sa isang memo na inilabas noong nakaraang taon, batay sa kaligtasan ng publiko at sa mga tuntunin ng “fairness and equality”.
Inaatasan ng revised memorandum ang telcos “na i-block o i-deactivate ang text messages na naglalaman ng clickable domains, URLs, URL shortening services links, Smart Links, at QR Codes.”
Ginagamit ng mga mapagsamantalang indibidwal ang naturang links upang linlangin ang recipients sa pagsisiwalat ng personal information, pag-download ng malware, o pagtamo ng unwanted charges, kadalasan ay sa pamamagitan ng pagpanggap bilang trusted entities o pag-aalok ng false incentives.
Dahil patuloy ang text scams, iginiit ng Globe ang dedikasyon nito na makipagtulungan sa government bodies, lalo na sa NTC, sa walang humpay na kampanya laban sa panloloko at iba pang anyo ng cybercrime.
Bilang tugon sa lumolobong reklamo hinggil sa dumaraming spam at scam messages, lalo na yaong isinisiwalat ang buong pangalan ng mobile users, sinimulan ng Globe ang pag-block sa lahat ng P2P SMS na may clickable URLs noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ang hakbang na ito ay nagposisyon sa Globe bilang nag-iisang telecom company na maagap na hinaharang ang lahat ng SMS noong panahong iyon.
Ang pinaigting na pagharang na ito ng Globe ay nagresulta sa kabuuang 2.73 billion messages na na-block noong 2022, na sumasaklaw sa lahat ng malisyoso at kahina-hinalang SMS na na-block, kabilang yaong mga may clickable links. Na-deactivate din ng Globe ang halos 60,000 SIMs noong nakaraang taon dahil sa ‘unwanted’ messaging.
Sa pagtatapos ng Setyembre ngayong taon, na-block ng Globe ang kabuuang 2.59 billion spam at scam messages, na-deactivate ang 4,733 SIMs, at na-blacklist ang 150,287 na may kinalaman sa SMS fraud.
Ang mga customer na nakatatanggap ng ‘unwanted’ SMS ay maaaring mag-report via #StopSpam portal ng Globe. Hinihikayat din ang mobile users na maglagay ng spam filters sa kanilang mga device bilang dagdag na layer ng proteksiyon.