GM TITLE PUNTIRYA NI GARMA, BAGAMASBAD

PARA sa senior players — Chito Garma at Efren Bagamasbad — hindi pa huli ang lahat upang maging grand master.

Sisikapin ng dalawang Pinoy na makamit ang remarkable feat sa pagkatawan sa bansa sa 32nd FIDE World Senior Chess Championships sa Porto, Portugal sa Nov. 16-29.

Isang two-time Olympian, si Garma ay sasabak sa 50-above category, si Bagamasbad ay lalahok sa 65-plus, at isa pang miyembro ng team sa katauhan ni Mario Mangubat ang pasok sa 50-plus division.

Sina Garma, Bagamasbad, at Philippine delegation member Marlon Bernardino ay bumisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes at nagbigay ng pagtaya sa tsansa ng bansa sa pagsabak kontra world’s best senior chess players sa susunod na buwan.

Ang manguna sa torneo ay magbibigay ng outright grand master title sa mga Pilipino.

“Masarap pakinggan ‘yung maging world senior champion ka kasi kaakibat niyan ‘yung grand master title,” sabi ni Garma, na kinatawan ang bansa sa 1990 at 1992 Chess Olympiad na idinaos sa Yugoslavia at Manila, ayon sa pagkakasunod.

“Kaya nga ito inspiration din para sa mga bata, kasi kung kami ngang matatanda puwede pa, e di lalo na yung mga bata,” dagdag ng International Master na nagdiwang ng ika-60 kaarawan noong Hulyo.

Tatangkain ng dalawang elder players na maging pinakabagong GM ng Pilipinas matapos ni 20-year-old Daniel Quizon, na nakuha ang titulo makaraang gapiin si GM Igor Efimov ng Georgia sa nakaraang World Chess Olympiad sa Budapest, Hungary.

Nakuha nina Garma at Bagamasbad ang karapatang katawanin ang bansa sa two-week meet makaraang pagharian ang kani-kanilang category sa 12th Asian Senior Chess Championships na idinaos sa Tagaytay City noong nakaraang taon.

Sa parehong meet ay nakopo ng dalawang International Masters ang kanilang ikalawang GM norms.

Si Mangubat, isang National Master na naka-base sa Cebu, ay tumapos sa ikatlong puwesto sa likod ni Bagamasbad sa parehong torneo — kung saan runner up si IM Aitkazy Baimurzin ng Kazakhstan — upang makumpleto ang three-man Philippine team sa annual world competition na unang nilaro sa Germany noong 1991.

“Sisikapin namin ni Chito na makuha ‘yung best finish. Definitely, we will go out there to do our best. Sabi ko nga kalimutan na ang pressure and just stay focused,” sabi ni Bagamasbad, isang two-time Asian Seniors champion tulad ni Garma sa Forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, Milo, at ng ArenaPlus, ang 24/7 sports app ng bansa.

Si GM John Nunn ng England ang nanguna sa 65-and-above sa edisyon noong nakaraang taon sa meet sa Terrasini, Italy, habang si countryman GM Michael Adams ang naghari sa 50-and-above category.

“Malaki ang chance natin. Kaya sana we will be fortunate pagdating doon,” dagdag pa ni Garma.
CLYDE MARIANO