GM TITLE TARGET NI YOUNG

TARGET ni International Master Angelo Young na makamit ang hinahangad na pangarap – ang Grandmaster title.

At sa edad na 65, kasaysayan ang maitatala ni Young sakaling matupad ang asam na pangarap bago matapos ang taong 2022.

“‘Yung Grandmaster title, iyan ang ultimate dream naming mga players. Hindi pa huli ang lahat at kung papalarin ngayong taon, makukuha natin ang GM title bilang oldest player na makakuha ng GM,” pahayag ni Young sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) kahapon sa Behrouz Restaurant sa Timog, Quezon City.

Sasabak ang 8-time Illinois USA champion sa 2022 Asian Senior sa New Zealand sa susunod na buwan. Nakamit niya ang pagkakataon matapos manguna sa 11th Datu Arthur Tan Seniors Chess Championship kamakailan sa Midvalley Hotel sa Kuala Lumpur, Malaysia.

“This is the start of my European Tour Circuit para makuha ‘yung GM title. ‘Pag naipanalo ko ‘yung mga tournament na sasalihan ko, awtomatic makukuha ko ‘yung GM title,” aniya.

Mula sa New Zealand, sasabak si Young sa World Senior Championship sa November 14-27 sa Assisi, Italy; 33rd Open van Leuven sa November 10-13 sa Leuven, Belgium; The Grand Memorial Rene Vannerom sa December 2-3 sa Brussels, Belgium; IX Sunway Sitges International Chess Festival sa December 11-22 sa Sitges, Barcelona, Spain at Basel Christmas Chess Festival sa December 26 -30 sa Basel,Switzerland.

“Kumpiyansa ako. Sa career ko, may nagawa akong record na manalo against 12 Grandmasters in a span of six months. Malaking story iyan noon dahil ako lang nakagawa noon,” aniya.

Bukod ditto, makakasama niya bilang coach at trainor ang kaibigang si FIDE Master Christopher V. Castellano – ang Board 4 player ng Laguna na back-to-back champion sa Professional Chess League.

“Ako na bahala sa preparation, magplano ng mga gagawing atake para nakakapagpahinga si IM (Young). ‘Yung experience naming dalawa, malaking bagay ito pag pinag-combine namin,” pahayag ni Castellano.

EDWIN ROLLON