GMA NAKIRAMAY SA MGA BIKTIMA NG LINDOL

SGMA

PERSONAL na dinalaw ni House Speaker Gloria Arroyo ang burol ng mga nasawi sa 6.1 magnitude na lindol na yumanig sa Central Luzon.

Nasa anim na pamil­yang namatayan dahil sa lindol sa Lubao at Porac, Pampanga ang pinuntahan ni Arroyo kasama nito si Pampanga Governor Lilia Pineda na nag-ikot para dalawin ang mga biktima ng naiwang pamilya.

Nagpaabot ng financial at burial assistance si Arroyo at ang lokal na pamahalaan para sa mga namatayan habang tulong pinansyal at medikal naman ang ibinigay sa mga sugatan sa lindol.

Pinuntahan din nito ang Chuzon Supermarket para silipin ang rescue operation.

Kasamang ininspeksyon din ni Arroyo ang Porac Church na lubhang nasira sa malakas na pagyanig. CONDE BATAC

SCHOOLS NA NIYANIG NG LINDOL PINASUSURI

PINASISILIP ni 1-ANG EDUKASYON Partylist Rep. Bong Belaro ang lahat ng mga paaralan na niyanig ng sunud-sunod na lindol ngayong Linggo.

Hiniling ni Belaro sa Commission on Higher Education (CHED) at sa Department of Education (DepEd) na magpadala ng kanilang mga field personnel para magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng mga eskwelahan mula kindergarten hanggang university levels na dinaanan ng malakas na lindol.

Matatandaang ang Emilio Aguinaldo College (EAC) sa lungsod ng Maynila ay tumabingi at dumikit na sa katabing gusali matapos ang lindol.

Iginiit ng mambabatas na dapat tiyakin ang kaligtasan ng mga guro at mga magaaral partikular ang gusali ng mga paaralan bago at matapos ang nangyaring trahedya.

Kasama din sa mga pinaiinspeksyon ng kongresista ang mga pribadong paaralan.

Pinasasaprayoridad nito ang school building inspections sa mga lubhang napinsala na lugar dahil sa lindol tulad ng Porac, Olongapo, Manila, Tacloban, Catbalogan, Legazpi, Naga, at mga kalapit nitong lalawigan.

Maliban sa mga eskwelahan, pinaiinspeksyon din ng mambabatas ang mga kalapit na gusali ng mga paaralan.         CONDE BATAC

Comments are closed.