MAGTATAPOS na ang action-family drama na Cain at Abel ngayong gabi, February 15.
Sinundan ng Kapuso viewers ang compelling tale ng dalawang magkapatid na sina Daniel/Elias na ginampanan ni Primetime King Dingdong Dantes at Miguel na ginampanan naman ng Drama King na si Dennis Trillo, na lumaki sa magkaibang mundo.
Sinabi ni Dingdong na talagang nag-enjoy siya sa serye dahil nakaiintriga ang plot nito. “Napaka-rich nu’ng istorya. Siksik at ang daming puwedeng puntahan. Ikaw na ‘yung pipili kung ano ‘yung gusto mong tahakin na istorya. Kaya maraming magandang option.”
Naging maganda rin ang pakikipagtrabaho niya sa mga kasama niya at ng buong team. “Nagustuhan ko ‘yung teamwork ng mga artista more than anything. The director and writer are very, very open sa aming mga artista. So maganda na ganu’n ‘yung working environment dahil alam na ‘yung every scene ay naiiba at mai-improve pa dahil may iba-ibang interpretasyon.”
Para kay Dennis, isa si Elias sa pinaka-challenging role na ginampanan niya, “isa ito sa mga character na siguro punong-puno ng sorrow kasi si Elias lagi siyang inaapi. Kahit anong buti ng puso niya, lagi siyang napupunta sa mga sitwasyon na hindi maganda kaya nakokompromiso ‘yung pagkatao niya. Mabait ba talaga siya o dala lang ng pagkakataon tsaka ng mga hindi magandang pangyayari sa buhay.”
Sinabi ng Kapuso Drama King ang pinakamasaya at fulfilling part sa paggawa ng show na ito ay ang makatrabaho niya muli si Dingdong.
“Siyempre habang mas tumatagal, masasabi ko na mas gumaganda ‘yung working relationship namin. Dati hindi naman talaga kami nakikialam sa likod ng camera o sa ginagawa namin na mga eksena pero ngayon siyempre nag-mature na kami. Mas naintindihan na namin paano tumatakbo ‘yung mga bagay sa likod at harap ng camera. So kami naman may sari-sariling ideas na gusto rin naming ibahagi sa kanila para mas maganda ‘yung proseso.”
Sa direksiyon ni Don Michael Perez, tutukan ang finale ng Cain at Abel ngayong gabi, pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.
Comments are closed.