GO-DUTERTE SA 2022?

UNA sa lahat, tatalakayin ko lamang ito base sa kasaysayan ng ating politika mula nang nakamit natin ang kalayaan mula sa mga Amerikano noong 1935 hanggang sa kasalukuyan. Kasama na rin dito ang numero na maaari ring pagbasehan sa aking katanungan. Ika nga ni Mike Enriquez, “Walang kinikilingan, walang pinoprotektahan…

Napaisip lamang ako kung bakit ang PDP-LABAN na grupo ni Energy Sec. Alfonso Cusi ay mapilit at determinado na itulak ang tambalang Bong Go-Digong Duterte bilang presidente at bise presidente sa susunod na halalan sa 2022. Parehas silang taga-Mindanao at parehas pang taga-Davao!

Hindi ko minamaliit ang kanilang kakayahan sa mga ibinigay nilang serbisyo sa ating bansa. Sa katunayan, si Pangulong Duterte ay maraming nagawa sa ating ekonomiya mula nang mamuno siya sa ating bansa mula noong 2016. Tinamaan lang talaga tayo ng pandemyang COVID-19 kaya marami ang nadismaya sa kanyang pamamalakad para agarang mapababa ang kaso ng nasabing sakit sa ating bansa.

Dagdag pa rito ay sinakyan pa ng ilang politiko at kritiko ng administrasyon na ito dahil papalapit na ang eleksiyon.

Ganoon pa man, mataas sa survey ang pangalan ni Pangulong Duterte kapag siya ang tumakbo bilang bise presidente. Samantalang si Sen. Bong Go naman ay hindi tumataas sa survey sa pagka- presidente.

Naglalaro sa 6% ang survey rating ni Go kung ating ihahambing sa mga nangunguna sa survey na may numerong 22% at 18%. Kaya naman bumabalik ako sa tanong ko, mananalo ba ang Go-Duterte tandem sa 2022?

Naging tradisyon na kasi na ang tambalan ng presidente at bise presidente ay dapat kinakatawan ng buong bansa. Kaya naman dito nagsimula ang kombinasyon ng kandidato mula North at South sa halalan noong 1935, si Pangulong Manuel L. Quezon ay nanalo laban kay Emilio Aguinaldo. Ang bise presidente ni Quezon noon ay si Sergio Osmeña Sr. na taga-Cebu. Pumasok ang mga Hapon at pumalit pansamantala si Jose P. Laurel na tubongaBatangas. Noong namatay si Quezon dulot ng tuberculosis, ayon sa ating Konstitusyon, si Osmeña ang pumalit na Pangulo ng Pilipinas noong magkaroon tayo ng liberasyon mula sa mga Amerikano,

Noong 1946, si Manuel A. Roxas ang naging pangulo natin. Siya ay tubong Visayas mula sa lalawigan ng Capiz. Ang kanyang bise presidente ay si Elpidio Quirino na tubong-Ilocos Sur. Namatay sa sakit sa puso si Roxas noong 1948 at pinalitan siya ni Quirino bilang ika-6 na Pangulo ng Pilipinas, kinuha niya si dating Sen. Fernando Lopez na taga-Iloilo bilang kanyang bise presidente.

Noong 1953, nanalo ang taga-Zambales na si Ramon Magsaysay laban kay Quirino. Ang kanyang bise presidente ay si Carlos P. Garcia na mula sa Bohol. Namatay si Magsaysay dulot ng pagbagsak ng eroplanong kanyang sinasakyan. Kaya naman pumalit sa kanya si Garcia bilang ika-8 Pangulo ng Pilipinas.

Tinalo ni Diosdado Macapagal na taga- Lubao, Pampanga si Quirino noong 1961. Ang kanyang bise presidente ay si Emmanuel Pelaez na tubong- Mindanao. Noong 1965, tinalo ni Ferdinand Marcos na taga-Ilocos Norte si Macapagal. Ang bise presidente ni Marcos noon ay ang dating bise presidente na si Fernando Lopez na taga-Visayas.

Nag-iba na ang tradisyon ng ‘North at South’ noong nagkaroon ng 1986 EDSA Revolution. Itinalaga si Corazon Aquino na mula Tarlac bilang pangulo natin at ang kanyang bise noon ay si Salvador Laurel na taga-Batangas. Parehas na taga Luzon.

Noong 1992 elections, at dahil sa pagpapalit ng ating Saligang Batas, maaari nang pumili ng kanya-kanyang kandidato bilang presidente at bise presidente maski na magkaibang partido ang mga ito.
Si Pangulong Fidel Ramos na mula sa Pangasinan ang nagwagi noon bilang pangulo ngunit natalo ang kanyang bise na si Lito Osmeña ng Cebu. Ang sikat na actor na si Joseph ‘Erap’ Estrada ang nanalong bise noon.

Noong 1998, tumakbo si Estrada, na tubong-San Juan City,, sa pagkapangulo at nanalo. Ang kanyang bise presidente noon ay si dating Senador Edgardo Angara na mula sa Quezon. Ang nagwagi bilang bise ay si Gloria Macapagal-Arroyo mula sa ibang partido. Siya ay Kapampangan. Nagkaroon ng EDSA 2 noon at napatalsik sa kapangyarihan si Erap at pumalit sa kanya si Arroyo. Tumakbo muli si Arroyo na hindi raw ‘re-election’ na bawal sa Konstitusyon at nanalo. Ang kanyang bise noon ay si TV broadcaster at dating senador Noli de Castro mula Mindoro.

Ganoon din ang nangyari noong 2010, nagwagi si Noynoy Aquino na taga- Tarlac. Ang kanyang bise noon ay si Manuel Roxas III na mula sa Roxas City sa Capiz. Ang nagwagi ay mula sa ibang partido. Ito ay is dating Makati Mayor Jejomar Binay.

At noong 2016, nanalo sa kauna-unahan sa kasaysayan ng ating bansa ang isang taga-Mindanao. Siya ay ang ating kasalukuyang pangulo. Si Rodrigo Duterte. Ang kanyang bise presidente noon ay si Alan Peter Cayetano na mula sa NCR na hindi nagwagi. Ang VP natin ngayon ay si Leni Robredo na mula sa Bicol.

Batay sa lahat ng pangyayari, malaki ba ang pag-asa na manalo ang Go-Duterte tandem? Ayon sa huling datos ng Comelec, noong 2016 may 55.95% ang voting population sa Luzon, samantalang 20.82% naman sa Visayas at 23.23% sa Mindanao.

Kakaiba ang nangyari noong 2016. Si Duterte ay nakakuha ng maraming boto, hindi lamang sa Mindanao, pati sa National Capital Region, Central Luzon at sa Calabarzon. Ganoon din sa Central Visayas.

Maulit kaya ang ganitong pangyayari na parehas na Dabawenyo at mahina sa survey ang nais nina Sec. Cusi na tumakbo bilang presidente ng kampo nila sa PDP-Laban? Nagtatanong lang po.

Comments are closed.