SINA Go For Gold founder Jeremy Go at lady commissaire Sunshie Vallejos sa PSA Forum kahapon sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex. Kuha ni RUDY ESPERAS
DARAYO ang Go For Gold Criterium Race sa South sa pagdaraos ng Series 2 ng kumpetisyon nito sa Linggo.
May 400 participants ang inaasahang lalahok sa 10 kategorya na nakataya sa one-day race na gaganapin sa City Di Mare sa Cebu.
Mahigit P200,000 prize money ang nakataya sa event, kung saan ang kampeon sa premier men’s at women’s elite categories ay tatanggap ng tig-P20,000.
“With Cebu being a hotbed of cycling and cycling talent, we expect na maraming manonood ng event natin,” pahayag ni Go For Gold founder Jeremy Go sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
“We’re trying to grow the sport of cycling and also trying to professionalize it. That’s why we always work hand in hand with Philcycling,” dagdag pa ni Go. “Aside from organizing safe and well-run races in order to elevate the sport of cycling in the Philippines, these races serve as talent identification for the new and younger generation of Filipino cyclists.”
Sinamahan ni lady commissaire Sunshie Vallejos si Go sa Forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ArenaPlus, ang nangungunang sports entertainment gateway ng bansa.
Ang iba pang kategorya na tampok sa flat 1.1 km course ay ang Women and Men’s Youth (15-16 years old), Women and Men’s Junior (17-18 years old), Age Group Men (30-39 years old), Age Group Men (40-up), Men Under-23, at Managers.
Ang men’s elite ay may 25 laps, habang ang women’s elite ay para sa 20 laps.
“Napaka-importante na apart from the programs of our government, may mga cycling patrons tulad nila Jeremy (Go) and other organizers of the event since they’re looking into the grassroots, they’re developing the grassroots programs na siyang papalit doon sa mga magre-retire na generation ng mga athletes natin,” sabi ni Vallejos sa pagpuri sa mga pagsisikap ng Go For Gold sa pagdaraos ng cycling events sa bansa.
Sa Series 1 ng event na idinaos sa New Sacobia Bridge sa Clark, Pampanga noong nakaraang March, nakuha ni Marvin Mandac, isang 17-year-old rider mula sa Batangas, ang atensiyon ng Go For Gold cycling team makaraang pagharian ang juniors category, habang kuminang din si Marco Lumanog kasunod ng kanyang tagumpay sa men’s elite class.
Sinabi ni Go na ang Series 3 ay posibleng idaos sa Mindanao bago matapos ang taon.
“Hopefully we’ll have our third leg in Mindanao naman, maybe in September or October,” aniya.
CLYDE MARIANO