GINAPI ni Lucas Sebastian Go si Sergius Immanuel Canque, 4-1, 4-0, sa 8 and under unisex final ng Philippine Sports Commission-Philippine Tennis Association (PSC-PHILTA) Age Group Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ni Go, isang Grade 3 student sa Xavier School, sa pagwawagi ng kanyang unang titulo ngayong taon.
Sa nakalipas na limang buwan ay nagsanay siya sa ilalim ni National University head coach Karl Santamaria.
“I just kept the ball in play,” wika ng 8-anyos na si Go, na sumabak din sa Palawan Pawnshop tournaments sa Cainta, Valle Verde at Manila Polo Club.
Samantala, si Canque, Grade 2 student sa La Camille School sa Baoor, ay naglaro naman sa tatlong torneo ngayong taon.
Sa 10 and under unisex category, dinispatsa ni No. 1 Kriz Roque Lim ng Pangasinan si second seed Jayden Reece Ballado ng Nueva Ecija, 2-4, 4-0, 4-2, sa finals.
Nakopo ng 9-anyos na si Lim, isang Grade 5 student sa Lyceum Northern Luzon sa Urdaneta, Pangasinan, ang kanyang ika-15 titulo nayong taon.
Sa boys’ 12-under category, ginulantang ni No. 8 Michael Dylan Jimenez si fourth seed Joshua Diva, 6-3, 0-6, 6-1, upang kunin ang titulo.
Pinataob ni Jimenez si third seed Sherwin Ray Nuguit, 6-3, 6-4, habang namayani si Diva laban kay Brent So, 7-6 (1), 7-6 (7), sa semifinals.
Si Diva, isang Grade 6 student sa Legarda Elementary School sa Maynila, ay nanalo na ng tatlong korona -Olivarez Cup, Zoleta Cup at Palawan Pawnshop Age-Group Championships sa Lucena City – ngayong taon. PNA
Comments are closed.