HABANG hindi pa nakapagdedesisyon kung papalaot sa politika, nagpasalamat si Special Assistant to the President (SAP) Secretary Christopher “Bong” Go sa kanyang mga kapwa Davaoeños sa pagkakalagay rito sa top spot sa survey para sa mid-term elections sa 2019.
Inilabas ng University of Mindanao’s Institute of Popular Opinion (UM-IPO) nitong Sabado ang resulta ng survey na nagpapakita na 76 porsiyento ng ng mga residente ng Davao City ang boboto kay Go sa pagkasenador.
“Malayo pa (ang 2019), pero thank you sa mga Davaoeño sa pagtitiwala ninyo sa amin, sa akin. Mas nakakataba ng puso. Lalo po kami magsisikap sa aming trabaho (Though the 2019 election is still a long way off, I thank the Davaoeños for their trust in us, in me. It warms my heart. This inspires us to work harder),” pahayag ni Go sa panayam.
Nang tanungin ang posibilidad ng pagtakbo nito bilang senador, sumagot lamang si Go ng: “50-50.” Kahit umano wala siyang planong tumakbo, tanging ang Pangulong Duterte lamang ang makapagpapabago ng kanyang isip.
Ang Davao Region, kung saan naroroon ang lungsod ng Davao ay may voting population na 4.9 milyon.
Ayon kay UM-IPO Assistant Vice President for Research and Publication Center Dr. Ma. Linda Arquiza, bukod kay Mayor Sara Duterte, ang mga kandidatong iboboto ng Davaoeños ay si SAP Bong Go na nanguna sa listahan habang pumangalawa naman si Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Pumangatlo hanggang pumang-anim sina Senator Grace Poe, Taguig Rep. Pia Cayetano, Senator Sonny Angara, at Senator Aquilino Pimentel III.
Nagpasalamat din si Go sa UM-IPO sa pagsasagawa ng survey.
Nitong Biyernes, nanumpa si Go bilang miyembro ng regional political party Hugpong ng Pagbabago na pinamumunuan ni Mayor Sara Duterte.
Comments are closed.