GO UMAPELA SA DOF, BIR NA PALAWIGIN ANG TAX DEADLINE SA GITNA NG COVID-19 CRISIS

Bong Go

NANAWAGAN si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawigin ang deadline para sa paghahain ng annual income tax returns makaraang ipalabas ng  ahensiya noong Lunes,  March 16, ang Revenue Memorandum Circular No. 25-2020, na nagsasaad na ang filing ay dapat pa ring isagawa sa o bago ang April 15, 2020.

“Sa panahong katulad nito, dapat nagtutulungan tayo na mapagaan ang pasakit ng taumbayan. Magmalasakit po tayo sa bawat Filipinong apektado,” wika ni Go patungkol sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), na nag-udyok kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim ang  Luzon sa enhanced community quarantine at ang buong  bansa sa state of calamity.

“Pinakiusapan po natin ang taumbayan na tulungan ang gobyerno. Tulungan din po natin silang mabuhay at maging ligtas sa panahong ito,” anang senador.

Umapela si Go sa DOF at sa BIR na ikonsidera ang one-month extension sa paghahain ng ITRs na maaari pang palawigin kung kinakailangan depende sa sitwasyon ng COVID-19.

“Bigyan po natin ng palugit ang ating mga kababayang apektado ngayon. Maraming halos wala nang kita o kabuhayan ng isang buwan, hindi alam paano pakakainin  ang pamilya, hindi alam hanggang kailan magtatagal ang krisis. Tapos dadagdagan pa natin ang iniisip at aasikasuhin nila dahil sa tax requirements,” paliwanag ni Go.

Hinikayat niya ang gobyerno na balansihijn ang magkakaibang interes sa panahon ng krisis. Idinagdag niya na bagama’t ang kanyang apela ay maaaring makaapekto sa revenue collection ng pamahalaan, ngayon ang panahon upang magpakita ng pagmamalasakit sa mga apektadong Filipino.

“As a legislator and fellow worker of government, I am appealing to the DOF and to BIR. Let’s give the people time to prioritize their safety and the welfare of their families first, provided that after we overcome this crisis, we trust that they will fulfill their tax obligations,” ani Go.

Nakasaad sa RMC 25-2020 na, “taxpayers who are not mandated to use the electronic filing facilities of the BIR are ‘encouraged’  to use the facilities to limit their exposure to COVID-19.”

Itinatakda rin nito na bilang konsiderasyon sa mga taxpayer, ang amendments sa AITRs ay pinapayagan. “Considering the limitations in the preparation of the AITR to be filed by concerned taxpayers due to the aforesaid lock-down, errors in the determination of their income taxes are possible. Hence, taxpayers, at any time, can amend their AITR filed, provided the concerned taxable period has not been the subject yet of an audit,” nakasaad pa sa RMC 25-2020.

Idinagdag pa nito na ang karagdagang bayad dahil sa amendments ay maaaring isagawa nang walang penalties hanggang June 15, 2020. Ang kinakailangang attachments sa electronically filed AITR ay maaaring isumite hanggang sa parehong petsa.

Bagama’t  nagpapasalamat sa ginawang konsiderasyon ng BIR sa RMC 25-2020,  sinabi ni Go na ang  extension pa rin ang maaaring pinakamabuting hakbang sa panahong ito dahil ang enhanced community quarantine ay target na matapos sa April 12 habang ang itinakdang deadline ay sa April 15.

“Kukulangin po ang oras. Baka mapilitan pang lumabas ng bahay at magtrabaho ng mga tao para lang asikasuhin ito kahit na nag-impose na tayo ng strict social distancing and quarantine measures,” paliwanag pa ni Go.

Tinukoy ni Go ang Section  53 ng National Internal Revenue Code bilang basehan ng kanyang apela sa BIR. Aniya, itinatakda ng Section 53 ng batas na maaaring magkaloob ang BIR Commissioner, sa mga karapat-dapat na kaso, ng ‘reasonable extension of time’ para sa paghahain ng ITRs.

“A reading of Section 53 would show that the Commissioner has the power, in meritorious cases, to grant a reasonable extension of time for filing returns of income. If the Commissioner decides that the COVID-19 situation afflicting the entire country can be sufficiently characterized as a ‘meritorious case’ affecting individual and corporate taxpayers alike, he may extend the deadline for filing income tax returns,” wika ni Go.

Comments are closed.