GOBERNADOR NG NEGROS ORIENTAL PATAY SA AMBUS

PATAY si Negros Oriental Gov. Roel Degamo matapos tambangan habang namimigay ng ayuda sa kanyang bahay sa Brgy. San Isidro, Sto. Nuebe, Pamplona kahapon ng umaga.

Mismong si Siaton, Negros Oriental Mayor Fritz Diaz, pamangkin ni Degamo ang nagkumpirma ng pagpanaw ng gobernador sa pagamutan.

Batay sa report ng Philippine National Police, abala noon si Gov. Degamo sa pag-entertain ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa kanyang tahanan nang bigla na lamang sumulpot ang mga armadong kalalakihan na nakasuot ng pixelized uniform at naka full battle gear.

Maliban sa gobernador, tinamaan din ng bala ang ilang sibilyan kung saan agad naman silang isinugod sa ospital.

Sa ngayon nasa crime scene na ang provincial director ng Negros Oriental para magsagawa ng imbestigasyon at hot pursuit operations. VERLIN RUIZ

3 getaway vehicles narekober na
PNP-AFP SANIB
PUWERSA VS
DEGAMO KILLERS
ILANG oras makaraan ang pamamaril kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, narekober ng mga rumespondeng pulis katuwang ang ilang militar ang tatlong abandonadong sasakyan na umano’y ginamit ng mga killer ng gobernador.

Ayon Police Regional Office 7, natagpuan ang Mitsubishi Pajero na may plakang NQZ-735, Isuzu Pick Up na kulay berde na may plakang GRY-162 at Mitsubishi Montero na kulay itim na may plate number ng YAP 163.

Ang nasabing mga sasakyan ay natagpuan sa masukal na bahagi ng Barangay Kansumalig, Bayawan City, Negros Oriental.

Ayon sa mga nakasaksi, sampung armadong lalaki na nakasuot ng pixelized uniform ng Army at Navy ang bumaril kay Degamo habang nadamay ang limang sibilyan.

Samantala, nagsanib na ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para hantingin ang mga tumakas na killer.

Itinatag na rin ang Regional Special Investigation Degamo para sa mabilis na pagresolba at hustisya sa pagpaslang sa gobernador.

Kinondena naman ng PNP ang ginawang pamamaslang sa opisyal at tiniyak na agad reresolbahin ang kaso. EUNICE CELARIO

DILG sa PNP
PUMASLANG KAY
DEGAMO DAKPIN
INATASAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng hot pursuit operations laban sa mga pumaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo nitong Sabado.

Kasabay nito, kinondena ni Abalos ang pinakabagong pag-atake laban sa isa na naman lokal na opisyal.

“We condemn in the strongest possible terms the senseless assassination of Governor Roel Degamo of Negros Oriental,” ayon kay Abalos.

Sinabi ni Abalos na patuloy na hahabulin ng pulisya ang nasa likod ng pamamaslang kay Degamo, gayundin sa iba pang kaso ng karahasan laban sa mga lokal na opisyal.

Batay sa report, nangyari ang pamamaslang pasado alas-9:30 ng umaga sa mismong tahanan ni Degamo sa Barangay San Isidro, Sto. Nuebe sa Pamplona, Negros Oriental.

“Degamo was entertaining 4Ps beneficiaries, when suddenly a group of persons wearing [a] pixelized uniform and in full battle gear shot the Governor several times hitting the latter and some civilians,” ayon sa pulisya.
EVELYN GARCIA